362 total views
Huwag mawalan ng pag-asa at patuloy na manalig sa Panginoon.
Ito ang mensahe ni Borongan Bishop Crispin Varquez sa mga nasalanta ng Bagyong Ursula kasabay ng paggunita ng araw ng Pasko.
Ayon sa Obispo, anumang pagsubok sa buhay ay tuwinang malalagpasan sa tulong at paggabay ng Panginoon.
“Para sa lahat ng nasalanta ni Ursula message ko is HUWAG MAWALAN NG PAG ASA. MANALIG SA PANGINOON. Makakaahon din tayo,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Varquez sa panayam sa Radyo Veritas.
Ayon pa kay Bishop Varquez, personal niyang nasaksihan ang epekto ng Bagyong Ursula sa kanyang pag-iikot sa may 14 na parokya sa diyosesis na pinakanasalanta ng bagyo na magpahanggang sa ngayon ay wala pa ring linya ng komunikasyon.
“I visited 14 parishes yesterday badly hit by Typhoon Ursula. No signal until now sa areas badly hit by Ursula,” ayon sa obispo.
Bukod sa pagkasira ng maraming bahay sinabi rin ng Obispo ang mga tinamong pinsala ng isang Simbahan maging ang istruktura ng gusali at ang kumbento.
Ipinanalangin naman ni Bishop Varquez ang pitong nasawi sa pananalasa ng bagyo sa Eastern Samar.
“Many houses are destroyed. Mabuti isang church lang badly damaged ang roofing. The rest of the church building and convents were only partly damaged. As far as my info is concerned 7 people died in Eastern Samar. (1 natamay dahil natamaan sa yero, 1 nadaganan, 1 nalunod sa storm surge, 1 died of cardiac arrest, 3 fishermen died dahil nalubog ang boat nila dahil sa lakas ng alon),” dagdag pa ni Bishop Varquez.
Una na ring nagpaabot ng pakikiisa at panalangin ang Kanyang Kabanalan Francisco sa pinagdaraanang pagsubok ng lahat ng mga biktima ng Bagyong Ursula na may international name na Phanfone na nanalasa sa Pilipinas lalu na sa malaking bahagi ng Visayas.
Sa tala ang Bagyong Ursula na ang ika-21 bagyo na nakaapekto sa bansa mula sa karaniwang higit 20-bagyo kada taon.