443 total views
Nilimitahan ng Archdiocese of Cebu ang bilang ng mananampalataya na makadadalo ng pisikal sa mga simbahan dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng coronavirus sa lalawigan.
Sa abiso na inilabas ng arkidiyosesis binigyang diin nito ang pagsunod sa alituntuning ipinatutupad bilang pag-iingat at pakikiisa sa kampanyang labanan ang pagdami ng kaso ng mga nahawaan.
“Due to the continuing rise of CoVid cases in Cebu City and on the threat posed by the deadly Delta variant, please be informed that effective today, August 11, 2021, we only limit our religious gatherings at 10% of our respective churches’ capacity,” bahagi ng pahayag ng arkidiyosesis.
Paalala nito sa mga parokya na mahigpit ipatupad ang safety health protocol sa mga dadalo ng misa upang maiwasan ang pagkahawa.
Ipinagbabawal din ng arkidiyosesis ang pagsagawa ng banal na misa sa mga kapilya habang nililimitahan naman sa immediate family members ang makadadalo sa funeral masses.
Sa tala ng Department of Health Central Visayas noong Agosto 10 umabot sa 331 ang nahawaan sa Cebu City dahilan upang makamit ang kabuuang 3, 813 cases habang ang Cebu province naman ay nakapagtala ng 280 bagong kaso kaya’t umabot na sa 4, 487 ang kabuuang kaso ng mga nahawaan sa lalawigan.
Tiniyak ng arkidiyosesis ang pakikiisa sa kampanyang labanan ang pandemya sa pamamagitan ng pagsunod at paghimok sa mamamayan na maging bahagi ng solusyon sa naranasang krisis pangkalusugan.
“We can always be part of the continuing Information, Education and Communication efforts by impowering our lay leaders to be involved in educating the faithful on the seriousness of the pandemic threat as well as on encouraging everyone to do their share in keeping the community safe and sound,” dagdag pa ng archdiocese.
Sa mga parokya naman ng Cebu province sa ilalim ng modified enhanced community quarantine ay maaring ipatupad ang 10 hanggang 30 poryentong kapasidad batay sa alintuntunin ng lokal na pamahalaan.
Hinimok ng akidiyosesis ang bawat mananampalataya na magkaisang manalangin at lumuhog sa Diyos upang mawakasan na ang krisis na dulot ng COVID-19.