406 total views
Hinamon ng EcoWaste Coalition ang mga kandidato para sa 2022 National and Local Elections na itaguyod ang ligtas, patas, at makakalikasang pangangampanya.
Ayon kay EcoWaste Zero Waste campaigner Jove Benosa, marapat lamang na sundin ng mga kandidato ngayong halalan ang iba’t ibang mga panuntunan sa pangangampanya para sa kapakanan ng mamamayan at kalikasan.
“We challenge all presidential, vice presidential, senatorial and party list candidates to comply with essential health protocols as they garner public support to avoid the spread of COVID-19, as well as follow fair and eco-friendly election rules to prevent campaign malpractices and environmental degradation,” pahayag ni Benosa.
Iginiit ni Benosa ang muling panawagan upang isaalang-alang ang kalusugan ng publiko at kaligtasan ng kalikasan laban sa tuluyang pagkasira ngayong patuloy ang paglaganap ng krisis dulot ng COVID-19 pandemic sa lipunan.
Dagdag pa nito na kasabay ng pangangampanya sa iba’t ibang bahagi ng bansa, dapat na sundin ng bawat kandidato ang COMELEC Resolution 10730 na nagsasaad ng mga panuntunan hinggil sa pagsasagawa ng mga pampublikong pagtitipon tulad ng campaign rallies at miting de avance na maaaring pagmulan ng hawaan ng COVID-19.
Gayundin ang COMELEC Resolution 10732 na nagsasaad ng mga alituntunin sa pagtataguyod ng patas na halalan kaugnay ng Republic Act No. 9006 o ang Fair Election Act.
“We call on all candidates anew to put the protection of public health and the environment on center stage amid the pandemic as they do the rounds of cities and municipalities to woo voters. Please follow Comelec Resolutions 10730 and 10732 to the letter,” dagdag ni Benosa.
Samantala, pinaalala rin ng EcoWaste ang paggamit ng mga recyclable at environment-friendly materials na makakatulong upang mabawasan ang kalat sa kapaligiran, gayundin ang pagbabawal sa paglalagay ng mga campaign materials sa mga puno at halaman sa mga pampublikong lugar.
Magugunita noong Eleksyon 2016, umabot sa 187 truck ng basurang mga campaign materials ang nahakot ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Inihayag naman sa Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco na kinakailangang magkakasamang nagtutulungan ang pamahalaan at ang mamamayan para sa pangangalaga sa kalikasan.