520 total views
Ikinatuwa ng makakalikasang grupo ang pagsasara ng mga sementeryo sa bansa sa paggunita ng Todos Los Santos dahil sa patuloy na paglaganap ng krisis pangkalusugan dulot ng Coronavirus Pandemic.
Ito’y dahil mababawasan ang pagkalat ng mga basura na pangunahing problemang iniiwan ng mga tao pagkatapos dumalaw sa puntod ng mga yumao.
Ayon kay Living Laudato Si Philippines Executive Director Rodney Galicha, bukod sa pagiging ligtas sa pagkahawa sa virus ay maganda ang magiging epekto ng hakbang dahil marami ang mababawas na basura.
“Kapag wala tayo dun sa sementeryo, marami ‘yung mababawas na mga basura at karamihan naman doon siyempre ‘yung pinagbalutan ng ating pagkain, pinagbalutan ng kandila at marami pang iba.”, pahayag ni Galicha sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ni Galicha na bagama’t hindi pinapahintulutan ang pagdalaw sa mga puntod sa mismong Todos Los Santos ay mahalaga pa rin ang pakikipag-ugnayan sa Panginoon, at pag-aalay ng panalangin para sa mga kaluluwa at yumaong banal.
“Ang espiritu naman kasi nung ating pag-aalaala sa ating mga yumao, espiritu naman talaga ‘yun ng tunay na pakikipag-ugnayan sa Panginoon, ay ‘yung siyempre pagpapanalangin sa ikabubuti at ikakapayapa nung kanilang mga kaluluwa.”, ayon kay Galicha.
Noong 2018, aabot sa 8 truck ng basura ang nahakot mula sa Manila North Cemetery makaraang dumagsa ang nasa 1 milyong tao sa paggunita ng Undas o Todos Los Santos.
Ayon naman sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), aabot sa 2-libong truck ng basura na may kapasidad na 20-tonelada ang nahahakot sa bansa araw-araw kung saan ang 450 dito ay mula sa Metro Manila.