354 total views
Hindi dapat na matakot ang sinuman sa anumang hatid na pagbabago ng pagsunod sa ninanais ng Panginoon.
Ito ang ibinahagi ni Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan Bishop-elect Broderick Pabillo sa mga pagbabagong hatid ng ng pandemya at sa kanyang bagong misyon na haharapin bilang bagong punong pastol ng Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan.
Ayon sa Obispo, dapat na magtiwala lamang ang bawat isa sa kaloob at plano ng Panginoon.
“Madalas ang pumipigil sa atin na gawin ang gustong ipagawa ng Diyos ay ayaw natin iiwan ang ating comfort zone. Hindi tayo nagtitiwala na pangangalagaan naman tayo ng nagpadala sa atin.” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop Broderick Pabillo.
Inihayag ng Obispo na sa kabila ng kanyang mga pangamba sa pagharap sa panibagong misyon at tungkulin sa Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan ay buo naman ang kanyang tiwala sa kaloob at misyon ng panginoon.
“Ako personally, magbabago ang buhay ko pagpunta ko sa Taytay ng northern Palawan. Iiwan ko na ang buhay ng lunsod dito sa kamaynilaan, with all its perks and its comfort. Babalik ako sa buhay sa kanayunan kasama ang mga mangingisda, mga magsasaka at mga katutubo. Upang maabot ang mga Parokya at mga chapels kailangan ng matagtag na biyahe sa mga rough roads, kailangang sumakay sa maliliit na bangka, o kailangan pa ngang maglakad sa mga bundok. I am a bit apprehensive but what gives me peace is my dependence on the God who sends me. Hindi ko gaano alam ang dadatnan ko, pero sigurado akong hindi naman niya ako pababayaan. This peace gives me readiness to take on the mission.”pahayag ni Bishop Pabillo
Giit ng Obispo, bago pa man nilikha ang daigdig ay pinili na ng Panginoon ang bawat isa upang gampanan ang pambihirang misyon na palaganapin ang kanyang pag-ibig sa sanlibutan.
Ayon kay Bishop Pabillo kabanalan ang layunin ng buhay na ipinagkaloob ng Panginoon sa lahat na makakamtan lamang sa pamamagitan ng ganap na pagtanggap sa kanyang ipinagkaloob ng tulong espiritwal sa bawat isa.
“Tayo ay pinili na ng Diyos bago pa nilikha ang mundo. Nasa isip na tayo ng Diyos. Each of us is willed by God. We do not come to this world by chance. God placed us in this world with a purpose, that is, to be holy and be blameless before him in love. Kabanalan ang layunin ng buhay natin. At binigyan niya tayo ng lahat ng spiritual na tulong upang ito ay makamtan.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Una ng ibinahagi ng Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan na nakatakda na sa ika-19 ng Agosto, 2021 alas nuwebe ng umaga sa St. Joseph the Worker Cathedral sa Taytay Palawan ang pagtatalaga kay Bishop Broderick Pabillo bilang bagong punong pastol ng bikaryato.
Inaasahan namang sa ikalawang linggo ng Agosto ay tutungo na si Bishop Pabillo sa Palawan upang paghandaan at makipagkita sa mga pari ng bikaryato bago ang kanyang nakatakdang installation bilang bagong punong pastol ng Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan.