570 total views
Kapanalig, ang pagkakaroon ng pabahay ay isa sa mga pinaka-matingkad na pangarap ng mga Filipino. Kay hirap lamang abutin, dahil dito sa ating bayan, napakamahal ng lupa at tirahan. Hindi abot kamay ng karaniwang minimum wage earner na manggagawa. Kaya nga’t hindi nakakapagtaka na tinatayang mga mahigit 3.6 milyong Pilipino ay mga informal at urban poor settlers, o sa salitang kanto, mga squatters.
May mga housing programs naman ang ating pamahalaan. May mga local government units din naman na may mga urban poor housing programs. Kaya lamang, kay hirap talaga mabigyan ng solusyon ang problema na ito. Bakit kaya, kapanalig?
Marami ng mga salik ang pinag-aralan ng mga dalubhasa. Syempre una na diyan ang presyo ng pabahay – mahal talaga, lalo na pag sa syudad. At mahirap din i-uproot o tanggalin ang mamamayan sa syudad para lamang patirahin sa mga low cost housing sa mga probinsya. Kailangan nila magtrabaho, at kailangan din sila ng trabaho. Ang serbisyong ibinibigay ng impormal na sektor ay kritikal sa pag-inog ng ating merkado.
Maliban sa presyo ng pabahay at sa layo ng trabaho, ang kawalan din ng development sa mga probinsiya kung saan maraming mas mura pa ang pabahay ay isang malaking balakid. May bahay nga, pero wala naman kabuhayan sa paligid. O di kaya malayo sa paaralan, pamilihan, at hospital. Kapag ating irerelocate ang mga mamamayan sa ganitong mga lugar, parang atin silang pinarusahan, keysa tinulungan.
Pero kapanalig, isa sa siguro sa mga salik na hindi natin napagtutuunan ng pansin kung bakit kay hirap magkaroon ng pabahay para sa mga informal settlers ay ang human dimension nito – sa komunidad na nabubuo ng mga informal settlers, hindi lamang kabuhayan at trabaho ang kanilang nakukuha, kundi kalinga at pagmamahal. Sa mga informal settlements kapanalig, ay may mga matitibay na ugnayan at networks na nagsisilbing social support system at pamilya ng mga maralita. Sa ganitong mga lugar, pangit at madumi man sa ating paningin, nakakaramdam ng komunidad at pagmamahal ang ating mga kababayan.
Siguro, maaaring tingnan at tutukan din ang aspeto na ito pagdating sa pabahay para sa mga mamamayan. Magiging mas makatao ang ating pabahay kapag ating kinokonsidera ang mga ganitong pangangailangan ng mamamayan. Magiging mas authentic ang ang pagsulong natin sa kagalingan ng tao kapag di natin makakalimutan ang ating human side. Payo nga sa Laudato Si, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan: Having a home has much to do with a sense of personal dignity and the growth of families… In some places, where makeshift shanty towns have sprung up, this will mean developing those neighbourhoods rather than razing or displacing them… creativity should be shown in integrating rundown neighbourhoods into a welcoming city.
Sumainyo ang Katotohanan.