744 total views
Mga Kapanalig, kaguluhan sa gitna ng kahirapan o “chaos amidst poverty” ang paglalarawan ng Social Work Action Network Philippines (o SWAN Philippines), isang network ng social workers at social service practitioners, sa distribusyon ng educational assistance ng Department of Social Welfare and Development (o DSWD) noong ika-20 ng Agosto. Bahagi ang ayuda ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (o AICS) Program ng ahensya na layong tulungan ang mga kababayan nating nangangailangan ng tulong-pinansyal para sa pagpapagamot, pagpapalibing, pagpapaaral, at iba pa.
Sa pagkakataong ito, ang educational assistance ng AICS ay tulong para sa mga estudyanteng nagsimulang magbalik-eskuwela noong nakaraang linggo. Tinatayang 500 milyong piso ang tulong-pinansyal na iniabot at iaabot pa ng DSWD sa mahihirap na mag-aaral. Bawat pamilya ay maaaring makakuha ng ayuda para sa hanggang tatlong anak. Sanlibong piso ang ibibigay sa mga nasa elementary, dalawang libong piso sa mga nasa high school, tatlong libong piso sa mga nasa senior high school, at apat na libong piso sa mga nasa kolehiyo at nag-aaral ng technical-vocational courses. Tuwing Sabado mula Agosto 20 hanggang Setyembre 24 ang pamimigay ng ayuda sa mga opisina ng DSWD sa iba’t ibang lugar.
Sa kasamaang palad, naging magulo ang pamamahagi ng ayuda ilang araw bago magsimulang muli ang face-to-face classes. Dinagsa ang mga opisina ng DSWD sa unang araw pa lang ng distribusyon. Sa central office dito sa Quezon City, nasa limanlibo ang tinatayang dumayo. Sa Zamboanga City, 29 ang nasugatan sa stampede. Sa Iloilo, libu-libong estudyante ang dumagsa sa Iloilo Sports Complex upang kumuha ng ayuda. Mayroon ding mga natulog sa labas ng mga opisina at sumampa sa gate ng mga ito.
Agad namang humingi ng tawad si DSWD Secretary Erwin Tulfo. Miscommunication daw ang nangyari. Nakipag-ugnayan na rin ang DSWD sa Department of the Interior and Local Government upang ayusin ang distribusyon ng ayuda sa tulong ng mga lokal na pamahalaan. Ayon sa SWAN Philippines, kinundena ng maraming organisasyon ang nangyari dahil ipinakikita nito ang kawalan ng maayos at sistematikong paghahatid ng tulong sa mga nangangailangan. Makikita rin daw ang mababang pagpapahalaga ng pamahalaan sa dignidad ng tao, lalo na ng mahihirap, sa pamamaraan ng pag-aabot sa kanila ng mga serbisyo.
Ang pagtatangì sa mahihirap ay isa sa mga pangunahing imbitasyon ng Katolikong panlipunang turo. Nakabatay ito sa pagpapahalaga nating mga Kristiyano sa dignidad ng tao. Bawat tao ay nilalang na kawangis ng Diyos. Pantay-pantay tayo sa mga mata ng Diyos. Gayunpaman, ang mahihirap ay kadalasang biktima ng kawalan ng katarungan sa lipunan. Niyuyurakan ang kanilang dignidad at pinagkakaitan sila ng mga oportunidad at pantay na pagkakataong paunlarin ang kanilang mga sarili. Hindi nila nakakamit ang mga bagay na dapat ay natatanggap nila bilang mga mamamayan at bilang mga tao. Binibigyan-diin ng mga panlipunang turo ng Simbahang sa tuwing tumutugon tayo sa pangangailangan ng mga dukha, sa kanila—hindi sa atin—ang ibinibigay natin. Ang pagtatangì sa mahihirap ay hindi mababaw na kawanggawa kundi paggagawad sa kanila ng katarungan.[4]
Nakalulungkot na kailangang umabot sa stampede, pagtulog sa bangketa, at pagsampa sa gate ang paghahatid ng tulong sa mga kababayan natin. Tila nawalan sila ng dignidad. Sa ilang beses na pagbibigay ng ayuda tuwing may sakuna at nitong panahon ng pandemya, hindi pa rin nagawang sistematiko at maayos ng pamahalaan ang distribusyon ng ayuda sa mga nangangailangan.
Mga Kapanalig, ang Diyos ay “humahatol at iginagawad ang katarungan; natatamo ng inaapi ang kanilang karapatan.” Katulad ng paalalang ito mula sa Mga Awit 103:6, manawagan tayo para sa isang makatao at makatarungang pagpaparating ng tulong sa mahihirap. Tandaan po natin, ibinabalik lamang natin ang tunay na sa kanila.