88,512 total views
Mga Kapanalig, tumaas siguro ang kilay ninyo nang marinig ang sinabi ng National Economic and Development Authority (o NEDA) na ang isang Pilipinong may ₱64 para ipambili ng pagkain sa isang araw ay hindi maituturing na food poor.
Take note, pang-isang araw na ang ₱64. Ibig sabihin, kung tatlong beses kumakain ang isang Pilipino sa isang araw, sapat na ang ₱21 kada kain. Paliwanag pa ng NEDA, isinaalang-alang na sa halagang ito ang inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kabilang ang pagkain.
Sa mata ng gobyerno, food poor ang mga indibidwal o pamilyang ang halagang inilalaan para sa pagkain ay mas mababa sa itinakdang food poverty threshold. Kumplikadong konsepto at hindi madaling maipaliwanag ang pagkuwenta ng food poverty threshold. Tiyak naman tayong marurunong ang mga naglalabas ng ganitong mga datos na ginagamit na batayan ng pamahalaan para sa mga patakaran at programa nito.
Pero napakalayo naman yata sa katotohanan ng mga datos tungkol sa food poverty. Sa totoo lang, anong mabibiling agahan, tanghalian, o hapunan ng ₱21? Kung meron mang mabili, siguradong walang sustansya o hindi nakabubusog ang mga ito. Dito sa kalungsuran kung saan lahat ay binibili natin, katawa-tawa ang halagang ito.
Maraming datos ang pamahalaan na kailangang suriin dahil maaaring hindi ipinipinta ng mga ito ang tunay na nangyayari sa ating bansa at ang totoong kalagayan ng taumbayan, lalo na ng mahihirap.
Gawin nating halimbawa ang employment rate. Sa kanyang ikatlong SONA, ipinagmalaki ni Pangulong BBM na ang bahagdan ng mga Pilipinong may trabaho ay nasa halos 96%. Ibig sabihin, sa isandaang Pilipinong maaari nang magtrabaho, apat lamang ang walang trabaho.
Pero alam ba ninyo kung paano binibilang ng gobyerno ang mga may trabaho o employed?
Ganito ang definition ng Philippine Statistics Authority (o PSA) sa salitang “employed”. Employed ang isang tao kung siya ay may trabaho o may sariling kabuhayan. Ang mga “persons at work” ay ang mga taong may ginawang trabaho, kahit man lang sa loob ng isang oras, noong isinagawa ang pangangalap ng datos. Itinuturing ding employed ang mga inaasahang magre-report na sa kanilang trabaho o magsisimula na ng kanilang negosyo o kabuhayan sa loob ng dalawang linggo pagkatapos silang ma-interview.
Kung ganito ang mga batayan para sabihing may trabaho ang isang tao, lalabas na mataas talaga ang ating employment rate. Hindi pa nga natin pinag-uusapan dito ang kalidad ng kanilang trabaho—kung nakabubuhay ba ng pamilya ang kanilang suweldo o kung nabibigyan ba sila ng panahon para makapagpahinga.
Gaya ng sinabi natin kanina, batayan ang mga datos na kinakalap ng gobyerno para sa mga patakaran at programang ipatutupad nito—mula sa ayudang ibibigay sa mga kapos sa buhay hanggang sa suweldong ibibigay sa mga manggagawa. Pero maaari ding gamitin ang mga datos na ito para palabasing hindi ganoon kalaki at kalala ang ating mga problema, gaya ng kahirapan, kagutuman, at kawalan ng trabaho. Kaya napakahalagang nauunawaan natin ang mga datos na isinasapubliko ng pamahalaan, at kung maaari, klaruhin ang batayan ng mga ito, lalo na kung malayo ang mga ito sa tunay na nararanasan ng mga tao.
Mga Kapanalig, sa Mga Gawa 4:20, sinabi nina San Pedro at San Juan: “Hindi maaaring ‘di namin ipahayag ang aming nakita at narinig.” Ganito rin ang tungkulin ng mga namumuno sa ating bayan—ang ipahayag ang totoo. Ang tanong na lang, ang ipinahahayag ba nila ay mula sa kanilang nakikita at naririnig? Gaya naman ng paalala ni Pope Francis sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti, kailangan nating matutunan kung paano ilantad ang iba’t ibang paraan kung saan ang katotohanan ay minamanipula, binabaluktot, at ikinukubli.