247,677 total views
Mga Kapanalig, isang taon matapos ang Mindoro oil spill, wala pa ring napananagot sa pinsalang idinulot ng trahedya sa kapaligiran at kabuhayan ng mga apektadong komunidad. Hindi pa rin nakakamit ng mga residente ang katarungan at buong kabayaran para sa nawalang hanapbuhay nila, lalo na noong ipinataw ang limang buwan na fishing ban. Ayon kay Aldrin Villanueva, presidente ng Pola Municipal Fisheries Aquatic Resources Management Council at lider ng grupong Lapian ng Mangingisda sa Batuhan, 627 lang sa mahigit 4,000 claimants mula sa bayan ng Pola ang nakatanggap ng paunang bayad nitong Pebrero. Aniya, ₱14,000 sa nakatakdang bayad na ₱54,000 pa lamang ang natatanggap nila.
Ika-28 ng Pebrero noong 2023 nang tumapon ang kargang industrial fuel oil ng barkong MT Princess Empress matapos itong lumubog ito sa karagatang sakop ng bayan ng Naujan sa Oriental Mindoro. Natapon ang higit sa 800,000 litro ng langis na nakaapekto sa 173,000 katao at 17,000 na mangingisda sa mga rehiyong Mimaropa, Calabarzon, at Western Visayas. Siyam na bayan naman sa Oriental Mindoro ang isinailalim sa state of calamity, kabilang ang Pola na itinuturing na ground zero ng trahedya. Inilagay rin ng oil spill sa panganib ang Verde Island Passage (o VIP) na kinikilala bilang “center of global shorefish biodiversity.” Batay sa pag-aaral ng Center for Energy, Ecology, and Development (o CEED), tinatayang 41.2 bilyong piso ang halaga ng idinulot na pinsala ng oil spill.
Ilang linggo bago ang unang anibersaryo ng trahedya, kinundena ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (o CBCP) ang kawalan ng pananagutan mula sa mga kumpanyang nasa likod ng oil spill at sa mga pabayáng awtoridad. Ipinahayag ng CBCP ang suporta nito sa pagkamit ng hustisya para sa mga napinsala ng oil spill—sa mga ninakawan ng hanapbuhay, sa mga pamilyang nawalan ng makakain, sa mga nagkasakit dahil sa polusyon, at sa kalikasang nasira.
Inirekomenda ng Department of Justice ang pagsampa ng mga kasong kriminal laban sa RDC Reield Marine Services, ang shipowner o may-ari ng MT Princess Empress, at sa mga opisyal nito dahil sa pamemeke ng mga dokumentong naging daan para makapalaot ang barko. Ngunit para kay Fr Edwin Gariguez, lead convener ng Protect VIP, hindi sapat ang mga kasong ito. Giit niya, maliban sa may-ari ng barko, may pananagutan din ang San Miguel Corporation (o SMC) na may-ari ng SL Harbor Bulk Terminal Corporation na nag-charter sa barkong lumubog at kung saan nanggaling ang langis. Kinumpirma ni Ramon Ang, ang bilyonaryong CEO ng SMC at isa sa pinakamayaman sa Pilipinas, na ang shipping subsidiary nila ang isa sa mga kliyente ng shipowner. Sa isang panayam, sinabi ni Fr Gariguez ang kanyang pagkadismaya sa tila hindi paghabol sa SMC na ‘di hamak na mas malaking isda, ‘ika nga, kaysa sa may-ari ng barko.
Ipinaalala ni Fr Gariguez ang wika ni Pope Francis sa panlipunang turo ng Simbahan na Laudate Deum: ang mga pinakamabisang solusyon ay hindi magmumula sa mga indibidwal na pagsisikap lamang ngunit, higit sa lahat, mula sa mga pulitikal na desisyon. Samahan natin ang panawagan sa hustisya para sa mga napinsala ng oil spill. Huwag nating hayaang maging mailap ang katarungan at hindi papanagutin ang mga responsableng kumpanya at mga awtoridad.
Mga Kapanalig, hiráp pa ring makabangon ang mga mangingisda at kanilang pamilya mula sa trahedyang idinulot ng mga korporasyong patuloy na yumayaman sa pagsira ng kalikasan. Wika nga sa Amos 5:24, “padaluyin [natin] ang katarungan, gaya ng isang ilog; gayundin ang katuwiran tulad ng isang di natutuyong batis.” Kailangang panagutin at pagbayarin ang mga nagdudulot ng polusyon at peligro sa mga tao at sa kapaligiran. Let us make polluters pay!
Sumainyo ang katotohanan.