184 total views
Inaanyayahan ng isang church group ang publiko na makiisa at makidalamhati sa isasagawang misa, pagdarasal at pagtitirik ng kandila sa mga pinatay bunsod ng war on drugs at extra judicial killings sa bansa.
Ang “Justice is our prayer for every candle lit” ay isasagawa sa October 31, dakong alas-10 ng umaga sa San Isidro Labrador Parish, Bagong Silang, Quezon City.
Hinihikayat ni Nardy Sabino, Spokesperson ng Promotion of Church Peoples Response at convenor ng Rise Up for Life and Rights lahat na makiisa at damayan ang pamilya ng mga namatayan.
“Patuloy na damayan ang ating mga kapatid at pamilya na namatayan ng mahal sa buhay sa Oct. 31 para sa sama-samang panalangin, sama-samang pagdadalamhati, sama-samang paglalakbay para sa pag-asa at katarungan. Ito po ay isa ring bahagi ng ating panawagan nang pagkilos sa November 5 na Stop the Killing, Start the Healing. Samahan po natin ang mga pamilya ng mga namatayan lalu na ng mga mahihirap na kamtin ang katarungan at ipanawagan ang pagtigil sa pagpaslang,“ panawagan ni Sabino.
Ang hakbang ay bilang sa pakikiisa sa paggunita ng Undas at pagsisimula ng Start the Healing campaign ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa November 5, sa Edsa Shrine.
Sa November 2 naman isasagawa naman ng Task Force Detainees of the Philippines ang Libong Kandila at Panalangin para sa Libo-libong Biktima ng Karahasan sa Bantayog ng mga Bayani simula alas-2 hanggang alas-6 ng gabi.
Layon nang pagkilos ang pag-alala, katotohanan at pagpapahayag – lalu na sa mga nawawala at biktima ng extra judicial killings, at panalangin para matigil na ang marahas na polisiya ng gobyerno.
Sa pinakahuling ulat, umaabot na sa 14,000 ang pinatay na may kaugnayan sa ilegal na droga.
Una na ring pinuri ng Santo Papa Francisco ang mga community based drug rehabilitation program ng simbahan bilang tugon sa problema sa droga ng Pilipinas.
Naniniwala ang Santo Papa Francisco na ang pagkalulong ay isang pang-aalipin na maaring bigyang solusyon sa pamamagitan ng edukasyon at pagpapanibago sa tulong ng komunidad.