2,269 total views
Inaanyayahan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang mga pari na makiisa sa National Retreat for Priests.
Ayon kay CBCP – Episcopal Commission on Clergy Executive Secretary Msgr. Cesar Vergara magandang pagkakataon ito upang makasalamuha ang kapwa pari mula sa iba’t ibang diyosesis at kongregasyon sa Pilipinas at maipadama ang kapatiran ng bawat isa.
Sinabi ng opisyal na inaasahang bunga rin ng pagtitipon ng mga pari na mapalakas ang bokasyon sa misyong pagpapastol sa mga pamayanan.
“Beside yung spirituality and holiness, in a special way kaming mga kaparian, ito ang magra-radiate sa aming tungkulin sa mga parokya.” pahayag ni Msgr. Vergara sa Radio Veritas.
Dahil dito hinikayat ng opisyal ang mga pari sa buong bansa na makiisa sa NRP 2023 na gaganapin sa IEC Convention Center sa Cebu City sa November 7 hanggang 9, 2023.
Ibinahagi ni Msgr. Vergara na pinalawig ang pagpapatala sa mga nagnanais dumalo sa national retreat hanggang August 15 upang mabigyang pagkakataon ang iba pang pari na makapagparehistro.
Tema sa NRP 2023 ang ‘Priesthood: A Call to Holiness’ na layong higit mapaigting ang bokasyon ng mga pari sa pamamagitan ng mga panayam na ibabahagi ni Sr. Briege Mckenna ang may akda sa aklat na ‘Miracles Do Happen’ at tanyag sa gift of healing and minisrty for priests sa nakalipas na limang dekada sa may 100 mga bansa.
Sa mga nais dumalo sa NRP 2023 makipag-ugnayan kay Katrina Buletin sa 0995 7662168 o kay Joshua Arreglo sa 0946 5987152 para sa karagdagang detalye.
Bukod sa isasagawang retreat nakatakdang bibisitahin ng mga delegado ang iba’t ibang pilgrim site ng Cebu kabilang na ang Capelinha de Fatima Replica Chapel, ang Venerable Teofilo Camomot Shrine at iba pang tanyag na pilgrim center na makatutulong sa paghubog ng pananampalatayang kristiyano.
Ang nasabing pagtitipon ay unang itinakda noong 2021 bilang bahagi ng closing activities ng 500 Years of Christianity subalit naantala dahil sa mahigpit ng panuntunang dulot ng COVID-19 pandemic.
Umaasa si Msgr. Vergara na gamiting pagkakataon ito ng mga pari na makipagkapwa sa iba pang pastol ng simbahan at magbuklod sa paglalakbay tungo sa iisang simbahan alinsunod sa panawagan ng Santo Papa Francisco na Synodal Church.