199 total views
Ang pagsisimula ng paghilom ng bayan mula sa mga kaguluhan at karahasan sa lipunan ang pangunahing panawagan ng nakatakdang “Lord, Heal Our Land Sunday” na pangungunahan ni CBCP President, Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa ika-5 ng Nobyembre.
Ayon kay Bro. Armin Luistro, FSC – President ng De La Salle Philippines at isa sa sumusuporta sa panawagan ng CBCP, napapanahon na upang masimulan ang paghilom ng bayan sa pamamagitan ng pagkakaisa ng bawat mamamayang Filipino.
Sinabi ni Luistro na ito ang pangunahing panalangin at panawagan para sa 33-araw ng pananalangin at pagrorosaryo na sisimulan sa ika-5 ng Nobyembre hanggang sa ika-8 ng Disyembre –kasabay ng kapistahan ng Solemnity of the Immaculate Concepcion.
“ngayon hinihimok po natin ang buong sambayanan na umpisahan na po natin ang ating paglalakbay tungo sa paghihilom dahil kahit po sa anong larangan parang ang dami pong away sa politika, kahil sa social media parang nababahala po tayo na baka kailangan balikan natin yung nangyari sa EDSA na kahit sino bata, matanda, mayaman, mahirap nagkaisa at siguro yun po yung panawagan nitong tatlumput tatlong araw po ito, mula sa November 5 hanggang December 8 at ito po yung iaalay din sa ating Banal na Ina na ngayon ay ika-100 taon ang aparisyon ng Fatima…” pahayag ni Luistro sa panayam sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ni Bro. Luistro, bukod sa mga kabataan ay inaasahan rin ang pakikiisa ng mga kasapi ng iba’t ibang religious seminaries para sa nakatakdang misa at prosesyon sa darating na lingo.
Muling gagamitin ng Simbahang Katolika ang imahen ng Our Lady of Fatima para sa nakatakdang prosesyon laban sa Extra Judicial Killings sa kahabaan ng EDSA sa ika-5 ng Nobyembre.
Ang naturang imahen ay ang parehong imahen na ginamit noong EDSA People Power Revolution taong 1986 sa gitna ng Martial Law ng dating Pangulong diktador na si Ferdinand Marcos.
Matapos ang nakatakdang misa sa Edsa Shrine na pangungunahan ni CBCP President Archbishop Socrates Villegas ganap na alas-3 ng hapon ay ipo-prosesyon at dadalhin ang imahen ng Our Lady of Fatima sa People Power Monument na may isang kilometro lamang ang layo mula sa EDSA Shrine.
Ang tinaguriang “Lord Heal Our Land Sunday” sa ika-5 ng Nobyembre kung saan inaasahang ilulunsad ang “Start the Healing” campaign ng Simbahan ay bahagi at pagpapatuloy lamang ng kampanya ng Simbahang Katolika laban sa extra judicial killings kasunod na rin ng panawagang “Stop the Killings” CBCP.