462 total views
Hinimok ng Couples for Christ (CFC) ang mamamayan na igalang at tanggapin ang mga kandidatong pinili ng mayorya ng mga Pilipino.
Hamon ng grupo sa mamamayan ang patuloy na pakikilakbay para sa pagsulong at pag-unlad ng lipunan bilang iisang bansa kasama ang mga bagong halal ng opisyal.
“Habang naghahanda ang bagong liderato na pamunuan ang ating bansa sa hinaharap, patuloy pa rin tayo na makilahok sa pagsusulong ng bayan,” bahagi ng pahayag ng CFC.
Ipinagpasalamat ng grupo ang sama-samang paglalakbay noong halalan sa gabay ng liwanag at panalangin ng Panginoon para magnilay at pumili ng naaayon sa pananampalataya at konsiyensya.
Ikinagalak ng CFC ang pagkahalal ng ilang kasapi sa iba’t ibang posisyon na maging katuwang sa pagsusulong ng kabutihan sa kristiyanong pamayanan.
“Nagpapasalamat tayo sa mga kapatid na nakilahok sa larangan ng pulitika. May ilan sa kanilang nanalo sa halalan at tayo ay nagagalak, dahil ngayon ay may natatangi silang papel na gagampanan para maisulong at maisabuhay ang lahat ng ating pinahahalagahan bilang Kristiyano,” ani ng grupo.
Pinasalamatan din ng CFC ang mga kabataang kasapi ng CFC Youth for Christ na nanguna sa 40 araw na pananalangin, pag-ayuno, pagluhod at pagsakripisyo para sa pambansa at lokal na halalan.
Hinikayat ng grupo ang sambayanan na magbuklod tungo sa pagbabago at paglago ng pamayanan at magtulungang itaguyod ang katotohanan.
“Ipagpapatuloy natin ang ating pagiging kapatid sa isa’t isa at ng lahat; dapat mahinto na ang maiinit na debate at nakakasakit na palitan ng salita sa social media sa halip ipahahayag natin ang katotohanan-ang Kanyang katotohanan – ng may pagmamahal,” giit ng CFC.
Ibabahagi din ng pontifical group ang CFC Pastoral Guide on the Use of Social Media na maging gabay sa mamamayan sa wastong pakikipag-ugnayan sa internet lalo’t sa Pilipinas naitala ang mahigit 70-milyong mamamayan na gumagamit ng social media ayon sa datos ng Data Reportal.
Ang CFC ay samahan ng mga mag-asawa na nagsimula sa Pilipinas noong 1981 at lumaganap sa iba’t ibang bahagi ng daigdig kung saan taong 1996 kinilala ito ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines bilang national private association of lay faithful habang 2000 naman ng kilalanin ng Vatican na private international association of the lay faithful of pontifical right.