195 total views
Hinikayat ni Sister Cresencia Lucero ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines at National Justice, Peace and Integrity of Creation Commission Coordinator ang mga Filipino na makiisa sa adhikain ng Salakyag – Sakay, Lakad at Layag para sa Sangnilikha 2018.
Naniniwala ang madre na bagamat nagtapos na noong ikalima ng Hunyo ang nation wide caravan, ay maaari pa ring makiisa ang mamamayan sa pamamagitan ng mga simpleng pamamaraan na nagpapakita ng pangangalaga sa kalikasan.
Inaanyayahan din ni Sr. Lucero ang mamamayan na makiisa sa mga aksyon ng Salakyag, kabilang na ang 1 million signature campaign na naglalayong magpasa ng batas sa mga kongresista at senador.
“Tuloy-tuloy itong advocacy at laban na ito at magkakaroon yan ng mga forum mga lobby groups para isulong itong bagong batas, o bill ng Right of Nature. Ipapaliwanag yan sa mga komunidad sa mga schools, sa mga iba’t-ibang grupo, sana maging interesado tayong lahat dito dahil sabi nga ng ating Santo Papa kung ano ang ginagawa mo sa kalikasan ginagawa mo rin sa sarili mo, pamilya mo, komunidad mo.” pahayag ni Sr. Lucero sa Veritas.
Samantala, pinasalamatan naman ng Madre ang mga manlalakbay na sumali sa Salakyag simula noong ika-28 ng Mayo na nag-umpisa ang Caravan sa Zamboanga City.
Ayon sa Madre, hindi matatawaran ang dedikasyon at pagmamahal sa kalikasan na ipinakita ng mga kalahok gayundin ang kanilang pagpapagod para lamang maipabatid sa pamahalaan ang mga hinaing at ang nararanasang pagkasira ng kalikasan sa maliliit na komunidad ng Mindanao, Visayas at Luzon.
“Maraming-maraming salamat sa kanilang pagpapagod pero ang maganda dun talagang pinaninindigan nila yung kanilang hinaing at kanilang prinsipyo na kailangan alagaan ang kalikasan. Kailangan, i-protesta ang patuloy na pagkasira ng kalikasan lalong lalo na sa mga komunidad.” Dagdag pa ni Sr. Lucero.
Noong ika-lima ng Hunyo ay ganap nang nagtapos ang Nation Wide Caravan na Salakyag.
Nakiisa dito ang libu-libong mga mamamayan, at mananampalataya sa iba’t-ibang lalawigan ng bansa na naghanda ng mainit na pagsalubong sa mga manlalakbay na lumahok sa aktibidad.