232 total views
Hinimok ni Rev. Fr. Reginald “Regie” Malicdem – Rector ng Minor Basilica of the Immaculate Conception ang mga mananampalataya na makiisa sa welcome mass at pagtanggap sa regalong blood relic o dugo ni St. Pope John Paul the 2nd para sa ika-60 anibersaryo ng pagkakatayo ng Manila Cathedral matapos na masira noong World War 2.
Ayon sa Pari, isang malaking pagpapala at biyaya para sa mga Filipinong mananampalataya ang “The Vial of Blood of St. Pope John Paul II” sapagkat ito ang isa sa natatanging 7 vials ng dugo o blood relic ni St. John Paul the 2nd sa buong mundo at kauna-unahang blood relic sa ating bansa.
Dahil dito, sinabi ni Father Malicdem na bigyan ng panahon ang pagtanggap sa naturang blood relic na nagsisilbi ring presensya ni St. Pope John Paul the 2nd sa ating piling.
Apela ng Pari, huwag lamang basta kuhanan ng larawan o mag-selfie kasama ang relic kundi tunay na magnilay, hawakan ang relic at magdasal ng taimtim para sa sarili, pamilya at sa bayan sa pamamagitan ni St. Pope John Paul the 2nd na malapit sa ating mga Filipino.
“Mga Kapanalig, ito’y very rare o privilege na ibinibigy sa atin ngayong darating na Sabado at Linggo na open ang Manila Cathedral para sa veneration ng relic ni St. John Paul the 2nd sana ay dumalaw tayo bigyan natin ng panahon, makapanalangin tayo sa kanya, makahingi tayo ng tulong ng kanyang panalangin at sana bigyan din natin ng paggalang yung kanyang relic, yung relic ay presensya na rin ng isang banal na tao sa ating piling kaya hindi lang basta magpipicture o magsiselfie kasama nung relic kundi hawakan natin ito, magdasal tayo ng taimtim para sa ating sarili, para sa ating pamilya, para sa ating bansa at hilingin natin yung kanyang panalangin para sa atin.” Ang bahagi ng pahayag ni Rev. Fr. Regie Malicdem sa panayam sa Radyo Veritas.
Pagbabahagi ni Fr. Malicdem ang naturang relic ang isa lamang sa tatlong relic ng mga Santo Papa na hiniling ng pamunuan ng Manila Cathedral sa Vatican na mayroong naging bahagi sa Simbahan para sa ika-60 anibersaryo ng muling pagkakatayo sa Simbahan matapos ang digmaan.
Ito ay sina Saint Pope John the 23 na siyang Santo Papa noong muling itinayo at isinagawa ang dedication sa Manila Cathedral noong 1958; si Blessed Pope Paul the 6th na nagmisa sa Manila Cathedral noong 1970 at inaasahan na rin idideklara bilang Santo ngayong taon at si Saint Pope John Paul the 2nd na nagmisa at nagtalaga sa Manila Cathedral bilang isang Minor Basilica noong 1981.
Ayon kay Fr. Malicdem, December 11, 2017 ng dumating sa bansa ang naturang first class relic ni St. Pope John Paul the 2nd sa pamamagitan ni Sr. Nancy Banares na isang Poland-based Filipino nun mula kay Krakow, Poland Archbishop Cardinal Stanislaw Dziwisz na siyang former secretary ng Santo Papa.
Nakatakdang pangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang Welcome Mass para sa naturang relikya bukas araw ng Sabado ika-7 ng Abril ganap na alas-9 ng umaga kung saan matapos ang misa ay magkakaroon rin ng Film Showing na “The Last Days of Pope John Paul the 2nd” at magpapatuloy ang public veneration hanggang alas-8 ng gabi.
Kasunod nito, kinabukasan araw ng Linggo ika-8 ng Abril ay magpapatuloy ang public veneration sa “The Vial of Blood of St. Pope John Paul II” mula alas-6 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi kung saan matapos ito ay magkakaroon na lamang ng mga pambihirang pagkakataon kung kailan muling magsasagawa ng public veneration para sa naturang relic.