221 total views
Inaanyayahan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHILVOCS) ang publiko na makilahok sa isasagawang National Simultaneous Earthquake Drill sa buong bansa bukas ganay na alas 9 ng umaga.
Ayon kay PHILVOCS director Dr. Renato Solidum, ito’y bilang paghahanda sakaling may tumamang malakas na lindol para na rin malaman ng mamamayan ang tamang pagkilos upang mailigtas ang sarili at ang pamilya.
“May national simultaneous earthquake drill sa ibat-ibang relihon may piling lugar na sentro ng atensyon ng shake drill, lahat sana ng paaralan, opisina, pribado man o gobyerno dapat sumali para masanay sila kung totoong may malakas na lindol sa lugar nila alam nila ang kanilang gagawin maging ang mga bahay sa at least drop, cover and hold and evacuate.” Pahayag ni Solidum sa panayam ng Radyo Veritas.
Umaasa naman ang PHILVOCS director na miyon-milyong tao ang makikibahagi lalo na sa Metro Manila na may simultaneous rescue rin na magaganap at koordinasyon sa ibat-ibang probinsiya na hindi apektado ng paglindol upang mahingan ng tulong.
“Milyon ang inaasahang sasali, may simultaneous rescue, pagpatay ng sunog, pag-extract sa mga naipit, ang NDRRMC, may coordination meeting, ang MMDA gagamit ng ilog dahil assumption na masisira ang Guadalupe Bridge, NDRRMC may pagpupulong coordinated sa mga probinsiya na hindi apekatdo na sila naman ang tutulong sa Metro Manila, matagal na itong giangawa di lang napapansin.” Ayon pa kay Solidum.
Sa paliwanag ni Solidum, kung gagalaw ang Valley fault, intensity 7 sa buong Metro Manila habang nasa intensity 8 naman ang mga karatig lalawigan gaya ng Bulacan, Western Rizal, Northern Cavite at Laguna sa loob ng 50-60 kilometers radius
Aniya, sa mga lugar na malalambot ang lupa gaya sa Maynila at malapit sa Manila Bay, aabot sa intensity 9 ang paggalaw ng lupa.
Noong October ng 2013, niyanig ng 7.2 magnitude na lindol ang Bohol mahigit 200 ang nasawi at mahigit 20 Simbahan ang nasira maliban pa sa bilyong-bilyong pinsala sa mga ari-arian at imprastraktura.
Una ng hinimok ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang lahat ng mga parokya at catholic schools sa bansa na lumahok sa isasagawang shakedrill
Ito’y bilang paghahanda upang masagip ang sarili at ang kapwa sa mga sakuna gaya ng lindol
Inatasan din ng CBCP ang mga parokya na magpatunog ng kampana bilang hudyat sa pagsisimula ng drill alas nuebe ng umaga sa June 22.
Naghahanda rin ang Caritas Manila at ang Radyo Veritas ng mga programa kaugnay sa pag-iwas sa kalamidad at agarang pagsaklolo sa mga biktima.