403 total views
Pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang banal na Misa para sa pagdiriwang ng 33rd National Migrants Sunday, sa unang linggo ng kwaresma sa Santa Clara De Montefalco Parish, Pasay City.
Ayon kay Cardinal Tagle ang lahat ng tao ay matatawag na migrante dahil ang bawat isa ay may patuloy na paglalakbay sa buhay, at ang 40-araw ng kwaresma ay paanyaya ni Hesus sa mga mananampalataya upang maghanda na makilakbay at sumama sa Kaniyang pagpapakasakit.
Binigyang diin ng Cardinal na mahalagang alalahanin ng bawat isa na sa kanilang paglalakbay na kailan man ay hindi nawalay ang Panginoon.
Paliwanag pa ni Cardinal Tagle, dahil malimit na makalimot ang tao, kung minsan ay nagiging putol-putol ang pakikibahagi nito sa paglalakbay sa kalbaryo ni Hesus.
Gayunman, sa kabila ng kakulangan at pagiging hindi karapat-dapat ng tao sa Diyos, ay nananatili pa rin ang pagmamahal Niya.
“‘Wag n’yong kalilimutan na kayo ay bale wala na mga tao pero minahal kayo ng Diyos. Huwag n’yong kalilimutan ‘yon kung paano kayo pinulot ng Diyos sa kawalan.” Bahagi ng pagninilay ni Cardinal Tagle.
Marapat aniya na mamutawi sa bibig ng mananampalataya ang karanasan nito sa magandang paglalakbay na kasama si Hesus.
Umaasa ang Kardinal na sa pamamagitan ng mga migrante ay maibabahagi sa iba’t-ibang panig ng mundo ang mabubuting salita na mula sa Panginoon at sa ganitong paraan ay matitigil na ang pagkalat ng masasakit na mga salita o ‘yong mga “hate speech”.
“Ngayon, kumakalat ang tinatawag nating hate speech, yun bang nagiging uso yung salita na hindi maganda at tinatanggap nalang. ‘Yung salitang naninira, yung salitang nakakasakit, parang ano na yun ngayon, uso. Kapag magalang kang magsalita parang wala ka sa moda, parang ang pagiging magalang ay pinagtatawanan, parang ngayon katanggap-tanggap kapag ang dila mo ay matalas at marumi.”
Sinabi ng Kardinal na nawa sa pagbukas ng mga labi ng bawat isa ay mamumutawi lamang ang kabutihan at ang pag-ibig ng Panginoon.
Binigyang pansin din nito sa pagninilay ang pinagdaanang pagsubok ni Hesus mula sa panunukso ng demonyo.
Ayon kay Cardinal Tagle sa paglalakbay ng mga tao ang bawat isa ay tinutukso upang mapigilan ang pananampalataya, at isang halimbawa na dito ang tukso ng pagiging mayabang kung saan laging nais patunayan ng mga tao ang kanilang sarili.
Iniugnay ni Cardinal Tagle ang nalalapit na halalan kung saan sa pangangampanya ay nagpapagalingan ang mga kandidato at lahat ay nais patunayan ang kanilang sarili sa mga botante.
Giit pa ng Cardinal, walang kandidatong mapagpakumbaba na umamin sa kahinaan at humihingi ng tulong sa kan’yang kapwa.
“Mag-eeleksyon na naman, lahat pinatutunayan ang kanilang sarili, wala pa akong narinig na nangampanya na nagsabi, “Ako po, mahina, hindi ko po kaya ito, kaya magtulong-tulong po tayo” Naku walang ganyan! Ang lahat ng nangangampanya, s’ya ang magaling. Pinaniniwala tayo na kaya nila lahat yon? Hindi mo kaya aminin mo, e pag doon nagsimula sa panlilinlang, “Kaya ko ito!” Tukso yan e, ano nang mangyayari? Sa simula pa lang ganun na, e anong mangyayari?” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Tagle.
Dagdag pa ng Kardinal, isang tukso din ng demonyo ay ang kapangyarihan, na makukuha ng tao kapag sinamba nito ang kasamaan.
Binigyang diin ng Arsobispo na ang kapangyarihan ng Diyos ay pag-ibig at ito lamang ang natatanging dapat na sambahin ng mga tao dahil ang kapangyarihang nagmula sa demonyo ay hindi matatawag na tunay na paglilingkod.
“Kapag ang demonyo ang kinuhanan ng kapangyarihan hindi na paglilingkod ang mangyayari, abuso na sa kapangyarihan. Pero kapag sa Diyos kinuha ang kapangyarihan, ano ang kapangyarihan ng Diyos – PAG-IBIG. Kaya delikado na ang Diyos ay inaalipusta at pinapalitan S’ya at ang sinasamba na ay ang demonyo, kapag ang diyos mo ay ang demonyo ang puder mo ay mala demonyo rin.” Dagdag pa ng Kardinal.
Samantala, sa huling bahagi ng pagninilay ni Cardinal Tagle, nanawagan naman ito na ipanalangin ang mga migranteng Overseas Filipino Workers.
Aniya, maraming OFW ang nagsusugal ng kanilang buhay, mabigyan lamang ng maayos na kinabukasan ang kanilang mga kapamilya
Umapela ito sa mga naiwang pamilya ng mga OFW na gamitin sa tamang paraan at huwag lustayin ang ipinadadalang salapi ng kanilang kaanak o kapamilya sa ibang bansa.
Ayon sa World Migration Report, umaabot sa 258 milyon ang bilang nga mga migrante sa buong mundo at posible pa itong umabot sa 405 milyon sa taong 2050.