5,858 total views
Tuloy-tuloy at walang pinipiling panahon ang pagiging Katoliko.
Ito ang bahagi ng mensahe ni Imus Bishop Reynaldo Evangelista sa ginanp na 4th General Assembly of the Diocesan Council of the Laity of Imus noong September 23.
Ayon sa Obispo, hindi sapat ang pakikibahagi lamang ng bawat Katoliko sa mahahalagang pagdiriwang ng Simbahan sa halip ay dapat na maging masigasig at isabuhay ang pagiging Katoliko maging sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Paliwanag ni Bishop Evangelista, ang pagiging Katoliko ay tuloy-tuloy at walang pinipiling panahon kung saan tinatawagan ng Panginoon ang bawat isa upang sama-samang maglakbay at isulong ang mga misyon at adbokasiya ng simbahan.
“Buhay ang ating mga programa sa Diocese. Sumabay lang kayo. Hindi sapat na may Misa tuwing Linggo, may Karakol tuwing piyesta, o may Simbahang Gabi tuwing malapit na ang Pasko. Ang pagiging Katoliko natin, tuloy-tuloy at walang pinipiling panahon. Ang gusto ng Diyos sa atin, sama-sama tayong naglalakbay.” ang bahagi ng mensahe ni Bishop Evangelista.
Tema ng 4th General Assembly of the Diocesan Council of the Laity of Imus ang “Enabled laity key to a successful Synodal journey” na naglalayong hikayatin ang mga layko na maging aktibong katuwang ng Simbahan sa pagsusulong.
Sa nakalipas na paggunita ng National Laity Week, binigyan diin ang pagbibigay ng Simbahan sa mga layko sa kanilang mahalagang tungkulin at misyon bilang katuwang ng simbahan sa ebanghelisasyon at pagsasakatuparan ng kaligtasan sa sanlibutan.
Ang mga layko ay ang mga binyagan na hindi naordinahan o kabilang sa mga religious congregation na tinatayang bumubuo sa 99.99% ng mga Katoliko sa buong bansa.