260 total views
Ibinahagi ni Father Greg Gaston, Rector ng Pontificio Collegio Filipino sa Roma at Vatican Correspondent ng Radio Veritas ang naging pahayag ng Kanyang Kabanalan Francisco sa weekly general audience kasabay ng paglulunsad ng “Share the Journey” migrants campaign ng Caritas Internationalis.
Ayon sa Pari, iniugnay ng Santo Papa ang lingguhang katesismo nito kaugnay sa pag-asa, sa pinagdadaanang pagsubok ng mga migranteng naglalakbay sa iba’t-ibang bahagi ng mundo.
“Yung mga migrants ay hindi lamang i-welcome natin, o tulungan natin, kundi we have to journey [with them], makilakbay [tayo], kasama sa kanila sa journey… at hindi lang yung mga migrants na nakakapagtrabaho kundi yung mga refugees din na walang trabaho at ito yung mga mas nahihirapan,” pahayag ni Fr. Gaston sa Radyo Veritas.
Dahil dito, sinabi ng Pari na nanawagan si Pope Francis sa bawat isa na makipag-ugnayan at makipag-usap sa mga migrante maging lokal man o sa ibang bansa.
Sa ganitong pamamaraan ay matutulungan ang mga dayuhan na mapanatili ang pag-asa sa kanilang mga puso, lalo na ang mga migranteng napilitan lamang umalis sa kanilang tahanan dahil sa digmaan.
Samantala, bukod sa paglulunsad ng “Share the Journey” migrants campaign sa Roma, naglunsad din sa Pilipinas ng mga talakayan kasama ang mga lokal na migrante at kapamilya ng mga migrante.
Dito nagbahaginan ang bawat isa ng kanilang mga karanasan, at nagpaabot din ng pakikiramay at pakikiisa ang simbahan sa kanilang mga suliraning pinagdaanan o kasalukuyan pa ding kinakaharap.
Read: Promote culture of encounter
Sa Pilipinas, batay sa huling pagtataya ng Internal Displacement Monitoring Center noong 2015 ay umaabot sa 119,000 indibidwal ang umaalis mula sa kanilang mga tahanan dahil sa karahasan, kaguluhan, o iba pang kadahilanan.
Kabilang na dito ang humigit kumulang 2,000 mga Lumad na kamakailan ay nagsagawa ng Manilakbayan upang ipabatid sa publiko ang ginagawang pang-aabuso at pagpapalayas sa kanila mula sa kanilang lupaing minana.