104,618 total views
Mga Kapanalig, nag-trending sa social media noong nakaraang linggo ang isang video kung saan makikitang nagkainitan sina Senador Alan Peter Cayetano at Senador Juan Miguel Zubiri habang naka-break ang sesyon nila. Makikita sa video ang kanilang sagutan at murahan, na muntikan nang umabot sa pisikalan.
Ang kanilang pag-aaway ay kaugnay ng sampung Embo barangay na idineklara noong 2021 ng Korte Suprema na parte ng Taguig, hindi na ng Makati. Uminit ang ulo ni Senador Zubiri dahil pinag-usapan sa kanilang sesyon ang isang resolution tungkol sa mga Embo barangay kahit wala ito sa kanilang agenda. Ang Senate Resolution No. 23 ay isinulat ni Senador Cayetano. Sinasabi ritong isasama ang sampung Embo barangay sa mga legislative districts ng Taguig at Pateros upang hindi mapagkaitan ang mga residente ng kanilang karapatang bumoto.
Dahil wala sa agenda at walang pagkakataong aralin ang resolusyon, inakala ni Senador Zubiri na layon ng resolusyong bumuo ng panibagong legislative district na aniya’y “unconstitutional.” Kaya umalma siya at sinabing sa ibang araw na lang pag-usapan ang resolusyon upang magkaroon sila ng oras para pag-aralan ito. Ikinagalit ito ni Senador Cayetano. Inaalala lang daw niya ang kapakanan ng mga botante at akala niya’y dine-delay ni Senador Zubiri ang pagpasá ng resolusyon dahil sa kanyang interes. Lahat ito nakunan sa video.
Nagkaayós din naman sila agad nang nalaman na ni Senador Zubiri ang lamán ng resolusyon. Humingi na rin daw sila ng paumanhin sa isa’t isa. Paliwanag ni Senate President Francis Escudero, “passionate” daw ang mga senador at “naturál” lang daw maging emosyonal sa mga adbokasiya nila. Dagdag pa niya, alas-nuwebe na ng gabi noong nangyari iyon at ilang linggo na rin daw silang ginagabi sa trabaho, kaya’t pagod na ang lahat.
DZRV846 SOCMED PACKAGE 2024_6Ang mga pampublikong opisyal, katulad ng mga senador, ay dapat may professionalism sa kanilang trabaho. Ayon ito sa Code of Conduct nila na base sa Republic Act No. 6713. Bagamat may katwiran ang sinabi ni Senate President Escudero, at tao nga lang din sila na nakararamdam ng matitinding emosyon, hindi naman yata tamang magbatuhan sila ng mga masasakit na salita at umambang tila magsusuntukan.
Hindi lamang mga batas, programa, at serbisyo ng mga pampublikong opisyal ang inaantabayanan ng taumbayan. Kasama ring tinitingnan ang kanilang mga salita, kilos, at paniniwala, na minsan ay sinusundan ng mga tumitingala sa kanila. Kaya naman, mahalagang paalala, hindi lamang sa kanila kundi sa lahat din ng mga lider, na sa kanilang paglilingkod, gaya ng sabi sa 1 Pedro 5:3, dapat silang “maging halimbawa… sa kawan.”
Para naman sa ating lahat, lider man o hindi, may isang aral pang mapupulot sa nangyari sa dalawang senador. Ang pinagmulan ng kanilang away ay ang kakulangan sa maayos na komunikasyon. Hinayaan nilang umiral ang bugso ng kanilang damdamin bago pakinggan ang sasabihin ng isa’t isa. Katulad ng sinasabi sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti, madalas, kahit nasa gitna pa lamang ng pagsasalita ang ating kausap, kinokontra na agad natin sila. Huwag natin hayaang mawala ang kakayahan nating makinig sa iba.
Mga Kapanalig, hindi mabuting halimbawa ang mga aksyon ng mga pinuno nating inuunang mag-react at hinahayaang madala ng kanilang emosyon. Sa halip, matuto tayong makinig bago magbigay ng reaksyon, at siguruhing hindi nakasasakit sa iba ang anumang reaksyong ibibigay natin.
Sumainyo ang katotohanan.