382 total views
Daan ang edukasyon upang makamit ng bawat tao ang kanilang mga mithiin sa buhay. Isa ito sa paraan upang maging maunlad ang isang bansa na syang nagsisilbing sandata para sa kinabukasan, gayunman, sa likod ng edukasyon na ating tinanggap o tinatanggap mula sa paaralan, ay mga guro na inilalaan ang kanilang sarili bilang mga pangalawang magulang at tagapagturo ng mga bagay na dapat nating malaman. Mula nuong ika-5 ng Setyembre hanggang sa kasalukuyan, pinagdiriwang natin ang National Teacher’s Month, samantala, itinalaga naman ng United Nations Education and Cultural Organizations o UNESCO ang ika-5 ng Oktubre bilang World Teacher’s Day, ito’y base na rin sa Republic Act No. 10743.
“Ang mga narinig mo sa akin sa harapan ng maraming saksi ay ituro mo sa mga taong mapagkakatiwalaang magturo naman sa iba” (2 Timoteo 2:2 MBB)
Mula sa pagka-bata na dumaan din bilang mag-aaral, isa nang pangarap ang propesyon na makapagturo at makatulong sa mga bata ang pinili ng isang choir member ng parokya ng Sta. Clara de Montefalco na si Bb. Viel Cerize Antazo, LPT, 24, isang guro sa isang paaralan sa Pasay. “It’s my dream profession”, sabi ni Bb. Antazo, “Not because I have no choice, it’s really my choice” dagdag pa niya.
Nagsimulang maging guro taong 2013, ngunit hindi naging madali sa kaniya ang naturang trabaho. Naririto ang pakikisama sa mga mag-aaral, pagod sa mga gawain at maging ang paghawak ng mga mag-aaral na madalas sumusuway. “Syempre, ikaw napapagod ka din sa trabaho mo, kasi gusto mo makumpleto yung tulog mo, yung hindi ka gigisingin ng maaga?”sabi ni Antazo, “Pero the mere fact na iniisip ko yung mga estudyante, yung advisory class ko, lahat ng section na tinuturuan ko na sino yung magtuturo sa kanila? Yun yung (mga) iniisip ko everytime na gigising ako ng maaga” giit pa niya.
Sa loob ng nagdaang apat na taon, hindi maiiwasan na maranasan rin niya ang mga pinakamasasaya at malulungkot na bagay, ngunit aniya, di-makakaila na bahagi ng pagiging guro niya ay ang mapamahal sa mga mag-aaral, kung saan ilan sa mga ito ang tinuring na rin siya bilang isang nakatatandang kapatid o magulang.
Bilang aktibong miyembro ng choir sa kanilang parokya, ang pag-lilingkod sa Simbahan ay nakatutulong din sa kaniya upang makapag silbi sa mga bata na kaniyang tinuturuan, “Yung values na na-aadopt ko sa pagiging member ng choir, naituturo ko sa estudyante”, giit ni Antazo.“Sa pagiging teacher, it requires a lot of dedication and efforts, dedication in terms of teaching content and to love your students”, dagdag pa niya sa panayam ng Veritas-Catholink.
“Naglagay ang Diyos sa Simbahan, una, ng mga apostol; ikalawa, ng mga propeta at ikatlo, ng mga GURO…” (1 Corinto 12:28)
Si Bb. Antazo ay isa lamang sa mga nagtalaga ng kanilang sarili na makapag silbi sa mga bata na nangangailangan ng karapatdapat na edukasyon. Ayon sa pag-aaral mula sa UNESCO, kinakailangan ng mga bansa ang tinatayang 68.8 na milyong guro sa darating na labing-apat (14) na taon upang makapag bigay ng kalidad na edukasyon sa elementarya at high school. Dahil sa kanilang kahalagahan, mismong si Papa Fransisko ang nagpapatotoo na ang propesyong ito ay may kaakibat na responsibilidad. Sa kaniyang talumpati sa harap ng Italian Association of Catholic Teachers nuong Marso 2015, sinabi niya, “Ang pagtuturo ay isang mabigat na tungkulin na kayang gampanan lamang ng mga taong may hustong gulang at husay”
Bukod rito, pinagdiriwang din naman sa Simbahan ang National Catechetical Month na may temang “Catechists: Agents of Renewal in the Parish”, ito naman ay bilang parangal sa mga katekista sa kanilang dedikasyon sa pagtuturo ng katesismo. Ayon sa datos nuong 2016, sa buong bansa ay may tinatayang 89 na mga Catechetical centers at mga paaralan na nagsasagawa ng catechetical trainings ang kinikilala ng Association of Catechetical Centers & Colleges/Universities with Rel.Ed (ACCRE).
“Tinatawag niyo akong Guro, at Panginoon: at mabuti ang inyong sinasabi; sapagka’t ako nga” (Juan 13:13)
Mula sa mga gurong ito na masigasig na nagtuturo, isang ehemplo rin na maituturing ang ginampanan ni San Juan Bautista de La Salle, ang patron ng mga guro. Siya ay ang nagtatag ng Institute of the Christian Brothers o mas kilala bilang De La Salle Brothers, nilaan niya at ng kaniyang mga kasama ang kanilang buhay sa pagbibigay ng kalidad na edukasyon sa mga mahihirap at mga nangangailangan nito.
Bilang pang-wakas, bawat tao na nagtatrabaho, mga personalidad na may tungkulin, sa gobyerno man o pribadong kumpanya ay nagdaan sa mga guro. May ilan sa kanila ang may magagandang karanasan, ang iba’y may mga natutunan sa mga guro maging sa pamumuhay, ngunit dapat din natin alalahanin na sa pagtatapos ng araw, tayong lahat ay karapatdapat magpasalamat sa ating dakilang Guro at Panginoong Hesus.