379 total views
Nagpalabas ng alituntunin ang Malacanang na magsisilbing gabay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng proklamasyon ng state of national emergency sa bansa.
Sa bisa ng kautusan ni Pangulong Duterte at ng Memorandum Order (MO) No. 3 na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador C. Medialdea, inilatag nito ang mga alituntuning dapat sundin ng mga otoridad upang matiyak ang kaligtasan ng bansa ng walang nalalabag na karapatang pantao ng mga mamamayan.
Nasasaad sa Section-1 ng naturang alituntunin ang pagtutulungan at koordinasyon ng Department of National Defense (DND) at ng Department of Interior and Local Government (DILG) upang atasan ang mga sundalo at mga pulis na magpatrolya sa mga pampubliko at pangunahing lugar, pantalan, terminal at paliparan upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga mamamayan.
“Section 1 of the guidelines stated: ‘The Department of National Defense (DND) and the Department of Interior and Local Government (DILG) shall deploy AFP and PNP personnel on major streets and thoroughfares, as well as near crowded places such as malls and train stations,in order to increase troop and military visibility for deterrence and quick-response purposes, without causing undue alarm to the general public,”paglilinaw ng Presidential Communications Office.
Tiniyak naman ni Presidential Communications Office (PCO) Assistant Secretary for Legal Affairs Marie Rafael Banaag na walang tinatanggal na karapatan ng mga mamamayan ang proklamasyon at ipinapabatid lamang sa lahat ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa sa gitna ng banta ng terorismo matapos ang pambobomba sa Roxas night market Davao City kung saan 14 ang namatay habang higit 60 naman ang sugatan.
“The proclamation was not meant to undermine the bill of rights, it was issued in order to delimit what the AFP and PNP can do. We put a premium on civil rights..”pahayag ni Banaag.
Nabatid sa pagsusuri ng Global Terrorism Index noong 2013, pang-siyam ang Pilipinas sa mga bansang lubhang naaapektuhan ng terorismo na kagagawan ng mga grupong New People’s Army (NPA), Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Abu Sayyaf Group na gumagawa ng mga serye ng suicide bombing bilang taktika ng pag-atake kung saan sa nakalipas na 12 taon hanggang 2013, mahigit na sa 300 indibidwal ang nasawi sa mahigit 60 insidente ng pambobomba kung saan 6 dito naganap sa Davao region.
Una nang nanawagan sa taumbayan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP na huwag mag-panic at maging vigilant o mapagmatyag sa mga kaganapan sa kapaligiran at makipagtulungan sa mga otoridad upang matiyak ang ligtasan ng bawat isa.