246 total views
Idinaan sa isang kilos-protesta ng mga magsasaka ng Barangay Sumalo, Hermosa, Bataan ang kanilang panawagan sa Department of Agrarian Reform (DAR) sa lupang sakahan na walong taon na nilang pinaglalaban.
Ayon kay Kapitan Rolly Martinez, ang hindi pagpapatupad ng DAR sa inilabas nitong “Notice of Coverage” upang muling okupahin ng mga magsasaka ang 213-hektaryang lupang sakahan na binakuran ng Riverforest Development Corporation noong 2009 ang nagtulak sa kanilang upang magmartsa.
“Hindi po umuusad yung implementasyon dahil may mga pabor siguro yung panginoong may lupa dito sa DAR sa Bataan samantalang sinabi na ng gobyerno at ng batas na ipamahagi na yan sa mga magsasaka.”pahayag ni Martinez.
Iginiit din ni Martinez na mahabang panahon nang sinasaka ng kanilang mga ninuno ang nasabing lupain at hindi makatarungan na ang mga pananim na matagal nilang inaalagaan at pinagpaguran ay iba na ang nakikinabang.
“Hindi na po kami pinapapasok sa lugar, hindi na rin po kami nakakapagsaka, yung mga tinanim po ng mga lolo namin, sila na po yung nag-aani at ang masakit pa po do’n ay maraming kabahayan ang pinag-gigiba nila na inabot sa loob na wala namang order ang korte,” pahayag ni Martinez.
Nagsimula ang pagmamartsa ng mga magsasaka mula sa Bataan, Pampanga at sa kasalukuyan ay patungo sa tanggapan ni DAR Secretary Rafael Mariano kung saan pagkatapos makipagpulong ay didiretso na sa Malacañang upang personal na maipaabot kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang hinaing.
Kaugnay nito ay nag-alay ng misa si Diocese of Balanga Environment Concerns Coordinator Fr. Gerry Jorge para sa mga magsasaka ng Sumalo at umapela sa pamahalaan na huwag ipagkait sa mga ito ang lupang naging kanilang kabuhayan sa loob ng maraming taon.
Ang ‘Lakbayan Para Sa Mga Magsasaka ng Barangay Sumalo’ ay kinabibilangan ng mahigit 100 daang magsasaka na nagmamartsa upang ipakita sa pamahalaan ang injustice na kanilang nararanasan.