291 total views
Mga Kapanalig, noong isang linggo tuluyan nang kumalas ang Pilipinas sa kasunduan ng Rome Statute na nagtatag sa International Criminal Court o ICC. Ang ICC ay isang independiyenteng korteng dumidinig sa mga malawakang kaso gaya ng genocide, crimes against humanity, war crimes, at crimes of aggression. Layunin ng korteng ito na masigurong napapanagot ang lahat ng lumalabag sa mabibigat na krimen na nabanggit nang hindi na maulit ang mga ito saan mang bahagi ng mundo.
Dito sa ating bansa, itinuturing ng ilan bilang crime against humanity ang walang tigil na extrajudicial killings o EJKs bunsod ng war on drugs ng administrasyong Duterte. Sa opisyal na tala ng pulisya, nasa 5,000 na ang namatay sa kanilang mga anti-drug operations. Malayung-malayo ito sa 20,000 biktima ng EJK na na-monitor ng mga human rights groups; kasama sa bilang na ito ang mga pinatay ng mga vigilante. Ilang mambabatas, mga kapamilya ng mga napatay sa kampanya, at ang human rights defender na si Atty. Jude Sabio ang pormal na nagpaabot ng impormasyon sa ICC tungkol sa mga patayang ito, at noong Pebrero 2018, inanunsyo ng ICC na uumpisahan na nila ang preliminary examination sa mga kaso ng EJK na ipinabot sa ICC.
Hindi ikinatuwa ni Pangulong Duterte ang naging pahayag na ito ng ICC, at ito ang naging dahilan ng ating pagkalas dito. Kinuwestyon sa Korte Suprema ng mga senador na kabilang sa oposisyon at ng Philippine Coalition for the International Criminal Court ang desisyong ito ng ating pamahalaan. Ayon sa kanila, labag sa Konstitusyon ang pag-alis sa ICC dahil dapat muna itong sang-ayunan ng Senado. Masaklap na naunang naging epektibo ang pag-alis natin sa ICC bago pa man mag-umpisa ang deliberasyon sa Korte Suprema.
Mga Kapanalig, naniniwala ang Simbahang mahalaga para sa isang bansa ang makilahok sa isang pandaigdigang komunidad upang makamit natin ang universal common good o pangkalahatang kabutihan. Ang pagpasok natin sa mga pandaigdigang kasunduan katulad ng Rome Statute ay pagpapakita ng ating pakikiisa sa pandaigdigang komunidad. Ito ay karagdagang pananggalang laban sa pagyurak sa ating dignidad at mga karapatang pantao. Sa pamamagitan nito, maari nating mapanagot ang mga lider na nagpapatupad ng mga patakarang lumalabag sa ating mga karapatan. Mahalaga para sa ating mga Kristiyano ang pagtatanggol sa ating mga karapatan dahil bahagi ito ng ating dignidad bilang tao.
Hindi layunin ng pandaigdigang komunidad na saklawan ang kasarinlan ng mga bansa o ang awtoridad ng mga pinuno. Layunin ng pagkakaroon ng pandaigdigang komunidad na tiyaking makakamit ng mga bansa ang kaunlaran sa paraang angkop sa mga mamamayan. Hangad din ng pandaigdigang komunidad na magampanan ng mga mamamayan at ng kanilang lider ang kanilang mga tungkulin nang walang banta sa kanilang seguridad. Pagkakaisa o solidarity, na isang prinsipyo ng Catholic social teaching, ang tuntungang prinsipyo ng pakikilahok natin sa pandaigdigang komunidad. Kung nakikiisa tayo sa ibang bansa, lalakas ang kakayanan ng ating bansang tugunan ang pangangailangan ng mamamayan at itaguyod ang kabutihan ng lahat.
Mga Kapanalig, sabi nga ni Pope Francis, hindi natin mararating ang isang kinabukasang malaya ang mga tao kung hindi natin hinahangad ang kabutihan ng lahat. At kaakibat nito ang pakikibahagi natin sa pandaigdigang pamayanan. Kaya’t malaking kawalan ang ating pagkalas sa ICC dahil nabawasan tayo ng isang proteksyon laban sa mga banta sa ating mga karapatang pantao na mahalagang itinataguyod para sa kabutihan ng lahat. Ito ba ang pagbabagong inaasam natin bilang isang bayan? Paano natin maaabot ang isang kinabukasang malaya tayong lahat kung hahayaan nating mamayagpag ang kultura ng karahasan at patayan, at kung tatanggapin na lamang natin ang pagmamataas ng ating mga lider at ang pagsasantabi nila sa pandaigdigang komunidad.
Sumainyo ang katotohanan.