393 total views
Nanawagan ang CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People kay US President Donald Trump na kilalanin ang mga nai-ambag na kontribusyon ng mga Overseas Filipino Workers sa paglago ng ekonomiya at trabaho sa Amerika.
Ito’y matapos pirmahan ni Trump ang anti – immigrants executive order na pumipigil na makapasok sa kanilang teritoryo ang mga galing sa pitong bansa na mayorya ay mga Muslim.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, kilala ang mga OFWs sa pagiging masipag sa trabaho, pagsunod sa mga batas at kaugalian ng bansang kanilang pinaglilingkuran.
Umaasa si Bishop Santos na makilala nawa ni Pangulong Trump ang kontribusyon ng mga OFW para sa ikauunlad ng Amerika at kaisa din ang mga Pilipino sa kampanya tungo sa usaping kapayapaan.
“Our OFWs are known for being very respectful to the laws and customs of their host countries, for their being responsible to their duties and tasks. Continue to be that way and there is nothing to be afraid and worried about. And also we in the CBCP ECMI pray that host countries, the new Trump Administration will recognize the huge contribution of Filipinos for the greatness of America and realize we are faithful partners for peace and progress.” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Samantala, sa tala ng Pew Research Center tumanggap ang America ng mahigit 80 libong refugees sa kanilang fiscal year na natapos noong Setyembre ng nakaraang taon.
Ang naturang bilang ay kumakatawan sa mabilis na paglago ng bilang ng mga immigrants mula taong 2002 na halos 27 libo lamang na refugees ang kanilang tinanggap matapos ang 9/11 terror attack sa Estados Unidos.
Naunang nanindigan ang Department of Foreign Affairs at University of Asia and the Pacific Professor at Veritas846 senior economic advisor Prof. Bernie Villegas na walang dapat ikabahala ang Filipino community sa Amerika sa paghihigpit ng Trump administration sa mga immigrants.
Read: http://www.veritas846.ph/dfa-hindi-nababahala-sa-banta-ni-trump-vs-tnts/
http://www.veritas846.ph/deportation-ng-mga-ofw-sa-amerika-ipinagkibit-balikat-ng-dfa/
Nabatid ng Veritas 846 research team na noong taong 2011, mahigit sa 1.8-milyon ang mga Filipino immigrants ang naninirahan sa Estados Unidos na kumakatawan sa mahigit 4 na porsiyento ng lahat ng mga immigrants.
Nauna na ring hinimok ng kanyang Kabanalan Francisco ang mga malalaking bansa na kupkupin ang mga refugees na nakararanas ng kaguluhan sa kanilang sariling bayan at naghahanap ng bagong opurtunidad at kapayapaan.