507 total views
Aminado si Commission on Elections Commissioner Luie Tito Guia na malaking papel at bahagi ang Simbahang Katolika sa pagkakaroon at pagkamit ng pagbabago sa lipunan maging sa larangan ng politika sa bansa.
Kinilala ni Guia ang malaking ambag ng Simbahan upang makamtam ng COMELEC ang hangaring magkaroon ng malinis, ligtas, mapayapa at makatotohanang halalan sa darating na May 9- national at local elections.
“Ang Simbahan kasi lalo na ang Simbahang Katolika ang pinaka- pervasive na institusyon sa Pilipinas at lahat ng sulok siguro ng Pilipinas meron tayong Simbahan, kaya po naging malaki ang bahagi ng Simbahan sa mga Political at Social Changes natin sa ating kasaysayan, noon hanggang ngayon. Hindi naman po nagkakaiba ang hangarin ng ating kumisyon at ng Simbahan na bigyan ng dignidad ang pagkatao ng tao, Humanity of Voters by making sure they exercise their basic rights and in this particular case yung kanilang Right to Political Participation..” pahayag ni Guia sa panayam ng Radio Veritas
Batay sa Republic Act No. 7166, mandato ng Commission on Elections ang pagtiyak sa pagkakaroon ng malinis, tapat at payapang eleksyon sa bansa malayo sa kaguluhan at karahasan.
Kaugnay nito, umaapela rin ang Simbahang Katolika sa mga botante at mga kandidato na ibalik at bigyang dangal ang halalan sa pamamagitan na rin ng pagsunod sa mga batas at hindi paninira sa kapwa kandidato ngayong panahon ng kampanya kung saan kaagapay na rin nito ang pagtupad sa kanilang mga binitawang pangako kung sila ay mahalal.
Sa pinakahuling tala ng Comelec, tinatayang umabot sa higit 54.6 na milyon ang rehistradong botante na nakapagpatala para sa nakatakdang halalan bukod pa sa 1.4 milyong Overseas absentee voters na mayroong isang buwan upang bumuto sa kasalukuyang isinasagawang OFW Absentee Voting sa may higit 30-embahada ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa na magtatagal hanggang sa ika-9 ng Mayo.(Reyn Letran)