275 total views
April 12, 2020, 11:17AM
Inihayag ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na patuloy lumikha at naging bahagi ng kasaysayan ang himpilan ng katotohanan ang Radyo Veritas 846.
Sa mensahe ng obispo sa ika – 51 anibersaryo ng himpilan binigyang pansin nito ang malaking tungkulin ng Radyo ng Simbahan sa paghahatid ng mga banal na gawain lalo na sa paggunita ng pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus gayundin sa gitna ng ipinatupad ng enhanced community quarantine.
“Bahagi tayo ng kasaysayang ito ng naranasan ngayon, makikita dito kung gaano kalaki ang serbisyo ng Radio Veritas sa pagdala ng pananampalataya sa bawat tahanan lalo ngayong panahon ng quarantine,” mensahe ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Unang kinilala ang Radio Veritas sa naganap na EDSA People Power 1 noong dekada 80 nang tuluyang bumaba sa posisyon si dating pangulong Ferdinand Marcos makaraan ang mapayapang pagtitipon kasunod ng panawagan ni Cardinal Jaime Sin na noo’y arsobispo ng Maynila sa Radio Veritas.
Sa kasalukuyan ng paglikha ng panibagong kasaysayang dulot ng corona virus disease, patuloy din ang paglilingkod ng Radio Veritas sa mamamayang Filipino hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong daigdig sa paghahatid ng mga totoong balita’t impormasyon at higit sa lahat ang pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon.
Sa mensahe naman ni Radio Veritas President Reverend Father Anton CT Pascual, tiniyak nito ang patuloy na paghahatid serbisyo ng Kapanalig na himpilan sa gitna ng krisis.
“Mga Kapanalig sa harap ng pandemya tayo ay nagpapasalamat sa Diyos sa biyaya ng buhay at sa biyaya ng ating Radio Veritas na nagiging instrumento ng pagpapalaganap ng katotohanan at pag-asa, tulungan at damayan lalo na sa panahon ngayon ng matinding pandemya,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Kaisa ang himpilan sa pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayan katuwang ng Caritas Manila kung saan noong ikaanim ng Abril nagsagawa ng Alay Kapwa COVID 19 Telethon 2020 at nakalikom ng mahigit 2 milyong piso na karagdagang pondo para sa isasagawang relief operations sa apektado ng ECQ.
Hiling ni Fr. Pascual sa mamamayan ang patuloy na panalangin at suporta para sa himpilan na naglilingkod sa bayan ng Diyos.
“Suportahan po natin ang radio Veritas upang ito ay manatiling sandigan ng katotohanan na siyang magpapalaya sa atin at ng pag-ibig ng Diyos na nagmamalasakit sa mga mahihirap, mga maysakit at mga nasa laylayan ng lipunan,” giit ni Fr. Pascua