243 total views
Tinawag ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) na “anti-poor” ang Omnibus Franchising Guidelines at Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board o L-T-F-R-B.
Ayon kay PISTON national president George San Mateo, sa halip na maliliit na tsuper at operator ang maging benepisyaryo ng programa ng gobyerno ay mga malalaking korporasyon at kapitalista lamang ang makikinabang dito.
“Bogus na modernization program ito dahil na ito ay nagke-cater sa interes ng malalaking negosyante. Ang jeepney ang cheapest and most affordable mode of transportation natin, pero gustong i-convert ng pamahalaan, well syempre ang nagtutulak diyan ay malalaking kapitalista, gusto nilang i-convert ito into a big corporate industry para mapiga nila ang malaking super profit,” ani San Mateo.
Kung maipatutupad ng gobyerno ang modernization program, mula sa dating individual ownership ay magiging pag-aari na ng malalaking korporasyon ang mga jeepney unit kung saan sila na ang pangunahing hahawak sa prangkisa at operasyon nito.
Naninindigan si San Mateo na pagkakitaan lamang ng mga mananamantala at negosyante ang proyekto ng transportation deparment kung saan ang mga driver at operator ang talo.
“Ang papasok sa industriya ay yung mga malalaking dayuhan at lokal na negosyante, magbubuo sila ng mga dummy na kooperatiba, mga dummy na kompanya at momonolpolyahin nila ang public transport,” dagdag pa nito.
Sinasabing nasa 600,000 tsuper at 300,000 na jeepney operators na nakadepende sa industriya ng pamamasada ang mawawalan ng trabaho kung tulayang isasakatuparan ang plano ng pamahalaan na gawing moderno ang sektor ng transportasyon sa bansa.
Sa kanyang pagtangkilik sa pampublikong transportasyon, tinaguriang ‘Public Transport Pope’ ang Kanyang Kabanalan Francisco dahil mas pinipili nitong sumakay sa mga pampasarehong sasakyan sa halip na magagarang kotse.