452 total views
Magmumula sa ating mga sarili ang solusyon upang malunasan ang suliraning kinakaharap ng kalikasan.
Ito ang mensahe ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao kaugnay sa paggunita sa Laudato Si Week 2021 na magsisimula bukas, ika-16 hanggang ika-24 ng Mayo.
Ayon kay Bishop Mangalinao, hindi lahat ng bagay ay kayang masolusyunan ng iba’t-ibang institusyong nagpapalaganap ng pangangalaga sa ating inang kalikasan.
Sinabi ng Obispo na ito’y dapat magsimula sa ating mga sarili na sa pamamagitan ng disiplina at pagiging responsable ay maisasakatuparan ang hangaring mapangalagaan ang ating nag-iisang tahanan.
“Palagi po nating sinasabi na ang solusyon ay nasa pamahalaan lamang o nasa mga institusyon na gumagalaw para sa kalikasan. Hindi po pala ‘yun ganun. Ang solusyon po ay nasa lahat, ang solusyon po ay ang magagawa ng bawat isa na kanyang maiko-contribute sa pamayanan,”mensahe ni Bishop Mangalinao
Sa panayam ng Radio Veritas, inihayag ni Bishop Mangalinao na nakaugat na magmula nang likhain ng Diyos ang sanlibutan ang pagkakaugnay-ugnay ng tao at ang kalikasan.
Ipinaliwanag ng Obispo na marahil ang patuloy na pang-aabuso at pagpapabaya ng mga tao sa kalikasan ang dahilan ng patuloy na epekto ng pandemya sa kapaligiran.
Ibinahagi nito ang mensahe ng Kanyang Kabanalan Francisco na ang pagmamahal sa kapwa ay kaugnay dapat ng pagmamahal sa kalikasan na sa atin ay nagbibigay-buhay.
“Ang pandemya ay nagpapakita kung paanong ang katotohanan ay sinasabing ang sakit ng kalingkingan ay ramdam ng buong katawan… Kaya po ang panawagan ng Santo Papa na paulit-ulit po tayong pinaalalahanan na anumang bagay na nangyayari sa ating kapaligiran ay bunga ng gawain ng tao,” ayon sa Obispo.
Hinikayat naman ni Bishop Mangalinao ang bawat isa na ipagpatuloy ang pangangalaga sa kalikasan sa halip na sirain upang makamtan ang hinahangad na kaligtasan.
Tema ng Laudato Si Week 2021 ang “Celebrating Change” na ilulunsad kasabay ng paggunita sa Dakilang Kapistahan ng pag-akyat ng Panginoon sa langit.
Ito’y natatanging pagkakataon upang ipagdiwang ang naging gampanin ng simbahan sa pagsasabuhay ng turo ng Laudato Si at ang wastong pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan kasabay ng pagdiriwang sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Ang Laudato Si ang ikalawang ensiklikal na nilathala ni Pope Francis kasunod ng Lumen Fidei.
Ito ang itinuturing na kauna-unahang ensiklikal na patungkol sa tamang pangangalaga sa kalikasan.