273 total views
Nababahala si Diocese of Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Iñiguez sa tumataas na bilang ng mga apektado ng El Niño hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Pagbibigay diin ng Obispo, ito ang bagong panahon na dulot ng Climate Change na dapat labanan ng mga tao.
Ayon pa kay Bp Iñiguez, upang mapagtagumpayan ang pagsubok na dulot ng nagbabagong klima, kinakailangang magtulungan at magpakita ng malasakit ang bawat tao sa kanyang kapwa at sa kalikasan.
“Ito, this is a natural calamity, the fact na napakarami ang naapektuhan, ibig sabihin talagang grabe yung calamity na iyon, so this is a challenge for all of us na talagang magtulungan tayo, this is the time we really need na ipakita natin yung pagkakaisa, an gating pagmamalasakitan para sa isa’t isa.” Pahayag ni Bp Iñiguez sa Radyo Veritas.
Samantala, ayon sa United Nations Humanitarian Affairs, ang 2015-2016 El Niño phenomenon ay ang pinakamatinding tagtuyot na naitala sa kasaysayan dahil sa pinsalang idinulot nito sa 13 bansa sa Africa, Asya, Central at South America, at Pacific.
Bukod dito, pinangangambahan rin ng ahensya ang pagdami ng apektado sa matinding pagbaha na kabaliktarang epekto ng El Niño sa ibang bahagi ng mundo.
Sa ulat ng UN umabot sa humigit 60 milyong indibidwal sa buong mundo ang biktima ng El Niño at nangangailangan ng tulong kabilang ang 32 milyon sa Southern Africa na kailangan ng pagkain tubig at suportang pang agrikultura.
Sa pagtataya rin ng UN, maaaring tumaas pa sa 3.6 na bilyong dolyar ang kinakailangan upang matustusan ang pangangailangan ng mga biktima ng El Niño.
Kaugnay dito, naiulat naman sa Pilipinas na umabot sa P8 bilyon ang halaga ng pinsala sa mga pananim, kabilang na ang palay, mais, at mga alagang hayop.
Sa Laudato Si ni Pope Francis, ikinalulungkot nito ang pangyayari dahil sa pagsasamantala ng tao sa likas na yaman ng mundo, tao rin ang nagiging biktima ng mga sakunang idinudulot ng pagkasira nito.