447 total views
Matagumpay na nailunsad ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC) ang MaLASACit Kindness Station na layong makatulong sa mga higit na nangangailangang apektado ng umiiral na pandemya.
Ayon kay LASAC Program Facilitator Rev. Mark Ian Abu, naging matagumpay ang pagsisimula ng kanilang kindness station dahil sa patuloy na pagdating ng tulong at donasyon ng mga benefactors kung saan umabot sa halos 200 indibidwal ang kanilang agad na natulungan.
“Maraming tumulong at nakakatuwa nga ‘yon dahil sa mga nangyari kahapon, ay di merong mga nangangako at nagtatanong kung ano ang kanilang mga maitutulong sa mga susunod na gawain. ‘Yun naman ang nakakatuwa dito sa atin,” pahayag ni Rev. Abu sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi ng Diyakono na ang nasabing kindness station ay mayroong dalawang antas–Pang-Arkidiyosesis at ang pang-Parokya.
Ayon kay Rev. Abu na sa antas ng Arkidiyosesis, ito’y gagawin tuwing Miyekules sa dalawang magkasunod na buwan sa iba’t ibang lugar na pangungunahan ng LASAC.
Habang sa antas naman ng Parokya ay pangungunahan ng Ministry on Social Services at Social Action Ministries ang pagtulong kung saan hinihikayat na ito’y palagiang maisagawa sa mga parokya, bawat buwan.
“Kami ay nakikipag-ugnayan na sa ating mga coordinators sa parokya para itong gawaing ito ay maging regular na gawain ng parokya sa kanilang nasasakupan, buwan-buwan,” paliwanag ni Rev. Abu.
Samantala, kaiba sa nakasanayang canned goods ay naisip naman ng LASAC na mga masusustansiya at sariwang pagkain ang kanilang maipamahagi.
Paliwanag ni Rev. Abu na ito’y dahil mas higit na kailangan ng tao ngayon ang masusustansiyang pagkain bilang panlaban sa iba’t ibang uri ng sakit lalo na sa COVID-19.
“Gusto kasi natin… na mabigyan sila ng masusustansiyang pagkain. Para sa akin iyon ay isang panghihikayat na hindi lamang tayo [namamahagi ng] noodles at saka canned goods… Naniniwala kami na sa pangagailangan ngayon, sa panahon ng COVID, ‘yung mga mahihirap at nawalan ng trabaho ay kailangan nila ng masusustansiyang pagkain,” ayon sa Diyakono.
Itinataguyod din ng MaLASACit Kindness Station ang pagmamalasakit at pangangalaga sa kalikasan dahil kanilang ipinatupad ang hindi paggamit ng anumang single-use plastics.
Sa halip, upang makakuha ng pagkain ang mga tao ay hinikayat nila ang mga ito na magdala ng refillable containers.
“Hindi tayo nagbibigay na [single-use] plastic ang dala Pa-refill kasi lahat ang paraan natin. Dahil kung wala kang dalang [container] ay hindi ka mabibigyan dahil ‘yun talaga ang kanilang pakikibahagi,” ayon kay Rev. Abu.
Dagdag pa ng Diyakono na sa pamamagitan ng kindness station ay tinatangkilik at tinutulungan din nito ang mga maliliit na negosyo sa Batangas dahil dito sila bumibili at kumukuha ng sariwang mga produkto na kanilang ipinamamahagi.
“Sa palagay ko, sa paraang ganoon na malaman ng mga tao na hindi lang ito basta kung saan nanggaling at makakatulong din para sa mga taong nangangailangan. Hindi ‘yung mga tumatanggap lamang, kundi ‘yung ating mga pinagkukunan nitong ating goods na ating ibinibigay,” saad niya.
Mula nang umiral ang pandemya noong nakalipas na taon, sinimulan ng Caritas Manila ang mga kindness stations na layong magbigay ng libreng pagkain lalu na sa malalayong lalawigan.
At dahil sa muling pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine makalipas ang isang taon ay higit sa 300 community pantries na ang nagbigay ng kagyat na ayuda sa mamamayan.