557 total views
Nagpapasamalat si Imus, Cavite Bishop Reynaldo Evangelista–chairman ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs ang pagtutulungan at pagdadamayang ipinapamalas ng bawat mamamayan para sa kapakanan ng mga residenteng naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal.
Pagbabahagi ni Bishop Evangelista, saksi ang diyosesis ng Imus na kalapit lamang na arkidiyosesis ng Lipa sa buhay na buhay na pagmamalasakitan ng mamamayan upang makapagpaabot ng tulong sa mga apektado ng pagputok ng bulkan sa Batangas at Cavite.
Ayon sa Obispo, lumilitaw ang kabutihan ng puso ng bawat isa maging ng mga mamamayan mula sa ibang lugar sa oras ng pangangailangan.
“Nakakatuwa talagang sa panahon ng kalamidad ay lumilitaw lalo ang kabutihan ng mga tao, ng mga Katoliko at ng lahat ng mga mamamayan,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Evangelista sa panayam sa Radyo Veritas.
Nilinaw ng Obispo na hindi nagtatapos sa pagkain, damit at tubig ang pangangailangan ng mga nasalanta ng bulkang sapagkat patuloy na kakailangan ng mga apektadong residente ang tulong ng bawat isa upang muling makapagsimula sa buhay matapos na mawalan ng tahanan at maging ng mapagkakakitaan.
Paliwanag ni Bishop Evangelista, kakailanganin ng mga naapektuhan ng pagputok ng bulkan ang patuloy pagmamalasakit ng kapwa upang makapagsimula at maipagpatuloy ang kanilang normal na pamumuhay.
“Hindi nagtatapos sa bigas, delata, damit, tubig ang pagtulong kundi yung pagkatapos nito na bumalik sila sa kanilang mga tahanan ay lalu po na kailangan ng tulong nila para naman sa pamamagitan ng inyong tulong, pagbibigay ng kaloob, kabutihan ninyo at pagkakawang gawa, pagmamalasakit ay matulungan natin ang mga kapatid nating nasalanta,” dagdag ni Bishop Evangelista.
Una ng hinimok ng Obispo ang bawat isa na sama-samang ipanalangin ang kaligtasan ng lahat sa gitna ng pagsabog ng Bulkang Taal partikular na ang mga nakatira malapit sa bulkan.
Linggo, ika-12 ng Enero ng nagsimula ang phreatic eruption o ang pagbuga ng Bulkang Taal ng abo na walang kasamang magma kung saan batay sa tala ng Philvolcs tinatayang aabot ng 100-metro ang taas ng ibinugang abo ng bulkan.