372 total views
Magsasagawa ng motu propio investigation ang Commission on Human Rights (CHR) sa pamamaril ng isang pulis sa isang 52-taong gulang na babae sa Barangay Greater Fairview, Quezon City noong ika-31 ng Mayo, 2021.
Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jacqueline Ann de Guia, nakababahala at nakadidismaya ang panibagong insidente kung saan mismong mga pulis na dapat sana’y naglilingkod at nagbibigay proteksyon sa mamamayan ang sila pang lumalabag sa karapatang pantao at kumikitil sa buhay ng mga sibilyan.
“This incident is gravely concerning as we expect our police to “serve and protect,” and not be at the frontlines of violating rights, let alone arbitrarily curtailing one’s right to life.”pahayag ni de Guia.
Kaugnay nito, hinimok ni de Guia ang Philippine National Police na paigtingin ang isinasagawang internal cleansing upang hindi na muling maulit pa ang mga ganitong uri ng insidente.
Sinabi ni de Guia na hindi sapat ang pagsasagawa ng internal cleansing sa halip ay wakasan ng pamunuan ng P-N-P ang mga kaso ng human rights violation ng mga pulis laban sa mga sibilyan.
Iginiit din ng tagapagsalita ng C-H-R na kinakailangan tugunan ng P-N-P at pamahalaan ang mga kasong kinasasangkutan ng mga alagad ng batas sa halip na maging ningas-cogon lamang sa nagaganap na karahasan.
“After a string of recent deaths and killings being attributed to police officers, we urge the PNP to translate commitments of internal cleansing into actual reduction of cases of human rights violations on the ground. One death is one too many. We urge the government to address these violations with the larger view that the protection of human rights is primarily a state obligation.” dagdag pa ni Atty. De Guia.
Ang pahayag ng komisyon ay kasunod ng panibagong insidente na pamamaril ng pulis na nakilalang si Police Master Sergeant Hensie Zinampan sa 52-taong gulang na si Lilibeth Valdez sa Barangay Greater Fairview, Quezon City na nakuhanan ng video at inupload sa social media.
Naunang umapela sa pamunuan ng P-N-P ang mga Obispo ng Simbahang Katolika na magsagawa ng internal cleansing at suriin ang katapatan, kredibilidad at abilidad ng nasa higit 190,000 mga pulis sa buong bansa.