73,920 total views
Mga Kapanalig, tinatayang aabot sa humigit-kumulang 6% ang economic growth ng Pilipinas sa unang quarter o unang tatlong buwan ng 2024. Ayon iyan kay Department of Finance Secretary Ralph Recto. Sinusukat ang paglago ng ekonomiya gamit ang tinatawag na gross domestic product (o GDP) ng bansa. Ito ang halaga ng lahat ng produkto at serbisyong gawa rito sa Pilipinas. Wika ng kalihim, magandang balita ito lalo na’t umabot din sa 6.4% ang GDP growth ng bansa sa unang quarter ng 2023.
Halos kasabay ng datos na ito ang paglabas naman ng Social Weather Stations (o SWS) kamakailan ng resulta ng dalawang survey na ginawa nito noong Marso. Batay sa kanilang survey, 14.2% ng pamilyang Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger sa unang quarter ng taon. Katumbas ito ng halos apat na milyong pamilyang nakaranas ng pagkagutom at walang makain sa unang tatlong buwan ng 2024. Tumaas ito kumpara sa 12.6% noong Disyembre 2023. Ito na rin ang pinakamataas na porsiyento ng involuntary hunger mula noong Mayo 2021 na pumalo ng 16.8% sa kasagsagan ng pandemya. Sa isa pang survey ng SWS, lumabas na 46% ang self-rated poverty sa bansa. Ito ay katumbas ng halos labintatlong milyong pamilya na nagsabing sila ay mahirap. Bahagyang bumaba naman ito mula sa 47% noong Disyembre 2023.
Sa kabila ng patuloy na pag-unlad ng ekonomiya, dumarami ang mga pamilyang nagugutom at halos kalahati pa rin ang nagsasabing mahirap sila. Hindi natin maiwasang tanungin kung sino nga ba ang nakikinabang sa sinasabing pag-unlad na ito na tila napakalayo sa kumakalam na sikmura ng mga dukha.
Gaya ng binabanggit sa Catholic social teaching na Laudato Si’, laganap sa ating lipunan ang pananaw na kayang solusyunan ng simpleng economic growth ang kahirapan at kagutuman sa mundo. Ngunit katulad ng wika ni Pope Francis sa kanyang ensiklikal, hindi sapat ang pag-usbong ng ekonomiya upang makamit ang integral human development ng bawat isa sa atin. Sa katunayan, ang kasalukuyang sistema ng ekonomiya pa nga natin—kung saan prayoridad ang pagpapalago ng yaman at kita—ang nagdudulot ng kahirapan, kagutuman, at ‘di pagkakapantay-pantay. Nakikita natin ito sa mga sinasabing development projects kung saan isinasakripisyo ang kalikasan at may mga isinasantabing mga tao at sektor. Nakikita natin ito sa patuloy na mining operations ng malalaking kumpanya na sumisira sa kapaligiran at kabuhayan ng mga komunidad. Nakikita natin ito sa patuloy na reklamasyon sa Manila Bay kahit napipinsala at nauubos na ang kabuhayan ng mga mangingisda at magtatahong sa mga apektadong komunidad. Nakikita natin ito sa konstruksyon ng nagtataasang gusali sa kalunsuran na itinayo ng mga manggagawang nagtitiis sa maliit sa sahod. Nakikita natin ito sa mga patakarang kumikiling sa mga may sasakyan at mga infrastructure projects na nagbubuga ng greenhouse gases na nagpapalala sa climate crisis. Pinakaapektado ng krisis na ito ang mga bulnerableng sektor gaya ng mga magsasaka.
Sa kanyang mensahe noong 2021, sinabi ni Pope Francis na ang kahirapan at kagutuman ay pagkakait ng karapatang pantao. Aniya, indikasyon ito ng kawalan ng hustisya at pag-ipon ng yaman at kapangyarihan sa kamay ng iilan. Sa pagkamit ng komprehensibo at inklusibong kaunlaran, hindi lamang ang pag-usbong ng ekonomiya ang dapat na nangingibabaw. Kailangang napapangalagaan din ang kapaligiran, nasisiguro ang panlipunang katarungan, at nakakamit ang totoong pag-unlad.
Mga Kapanalig, alalahanin natin ang mga salita sa Santiago 2:15-17: “Patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa.” Higit pa sa panandaliang pagtulong sa ating mga “kapatid na walang maisuot at walang makain,” isabuhay rin natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga pagkilos upang makamit ang katarungan para sa mga mahihirap, nagugutom, at isinasantabi.
Sumainyo ang katotohanan.