1,081 total views
Homiliya para sa Ika-25
Linggo ng Karaniwang Panahon, Ika-18 ng Setyembre 2022, Luke 16:1-13
“Ang hindi mapagkatiwalaan sa MALIIT NA BAGAY ay hindi rin mapagkakatiwalaan sa mas MALALAKING MGA BAGAY.”
Maliit na bagay, malaking bagay—dati-rati, literal lang ang intindi ko sa kasabihang ito, mga materyal na bagay na ipinagkatiwala sa atin, katulad ng pera. Kung di tayo mapagkatiwalaan sa maliit na halaga, bakit tayo pagkakatiwalaan ng mas malaking halaga? Applicable nga naman, di ba?
Pero sa mas masusing pagninilay, mukhang ang “mas malalaking bagay” para kay Hesus ay hindi literal na ari-arian kundi mga paninindigan, prinsipyo o pagpapahalaga—sa Ingles, mga spiritual and moral values, convictions and principles. Sa bandang dulo ng ebanghelyo para bang sinasabi ni Hesus na ang lahat ng materyal na bagay at ari-arian dito sa mundo ay dapat ituring bilang “maliliit na mga bagay.” Ang mas malaki o mas mahalaga para sa kanya ay may kinalaman sa mga prinsipyo ng “kaharian ng Diyos.” Na ito ang dapat mauna sa lahat ng mga prayoridad, sa lahat ng dapat pagkaabalahan.
Di ba sinabi niya sa sermon sa bundok, sa Mat 6:33, “Hangarin muna, higit sa lahat, ang kaharian ng Diyos at ang lahat ng ibang bagay ay mapapasaiyo.” Kung alam natin ang pinakamahalaga at inuuna natin ito, malalaman din natin kung paano panghawakan ang mga materyal na bagay dito sa mundo sa paraang hindi tayo aalipinin ng mga ito o ilalayo sa Diyos.
Ang parable na narinig natin ay madalas tawaging “talinghaga ng madayang katiwala.” At ang madalas problemahin ng mga nakikinig sa kuwentong ito ay kung bakit ba pinuri pa siya sa kabila ng kanyang ginawang pandaraya. Ganito talaga ang magiging reaksyon natin kung ipapalagay natin kaagad na ang amo sa kuwento ang tumatayo para sa Diyos, at ang katiwala naman para sa tao.
Ang kasabihan sa dulo ng pagbasa ay mas makapagbibigay ng linaw sa problemang ito. Sabi ni Hesus, “Hindi pwedeng maglingkod ang tao sa dalawang amo. Paglilingkuran niya ang isa at itatakwil ang isa. Hindi daw mapaglilingkuran nang sabay ang Diyos at ang salapi.”
Sa talinghaga, ang katiwala ay para bagang naglilingkod sa dalawang amo, at humantong sa puntong kinailangan niyang itakwil ang isa dahil pinanindigan niya ang pangalawa. Dinadaya niya ang isa dahil may pinaglilingkuran siyang iba.
Ang dinadaya niya ay ang mapang-abusong paraan na pinatutupad ng kanyang amo sa negosyo. Anong negosyo? Isa siyang usurerong sobrang lakas magpatong ng interes sa mga desperadong mangutang sa kanya. Malalaman natin ito sa dulo ng kuwento sa diskarteng balak niyang gawin pag nasisante na siya sa trabaho. Kakaltasin niya ang malaking patong o interes sa utang na obligasyon niyang singilin para sa amo niya. Mukhang dati na niyang ginagawa ito. Dinadaya ang amo niyang ganid at mapagsamantala sa mahihirap dahil siguro naaawa siya o nababagabag ang konsensya niya. Ibig sabihin, mayroon siyang mas nakahihigit na among pinaglilingkuran at alam niyang kung gagawin niya ang mas tama at makatarungan, mayroong sasaklolo sa kanya sa sandali ng pangangailangan.
Karanasan ito ng mga taong ayaw sumunod sa “kalakaran”kahit ito ang maaaring magpayaman sa kanya, o kahit ikapahamak pa nila ang pagsuway sa mali o tiwaling utos. Ganito talaga ang mangyayari pag mas mahalaga sa tao ang tiwala ng Diyos Ama sa langit kaysa tiwala ng mga tiwaling amo dito sa lupa. Magiging mas “malaking bagay” sa kanya ang manindigan sa tama kaysa makinabang at magpayaman sa pamamagitan ng pagpapagamit sa maling mga patakaran. Kapag alam natin kung ano ang tunay na mahalaga o “malaking bagay”, matututunan na nating panghawakan ang mga bagay na lumilipas bilang mas “maliliit na bagay.”
Di ba malungkot kapag halimbawa, sa sobrang pagkaabala ng mga magulang tungkol sa pagkakakitaan nakakalimutan na nila kung para saan ba o para kanino ang kanilang ginagawa, at kung ano ang pangunahin nilang prayoridad, at nauuwi ito sa pagkawasak ng kanilang pamilya? Kapag nasasanay ang tao na “mahalin ang pera at gamitin ang tao” kaysa “gamitin ang pera at mahalin ang tao” baka nga hindi na ang Diyos ang sinasamba niya kundi ang salapi.
Sa ating first reading, bumibigkas ang propetang Amos ng isang matapang na orakulo laban sa mga yumuyurak sa mga nangangailangan at nagsasamantala sa mga mahihirap. Kasama sa mga binabatikos niya ang mga taong kunwari masunurin sa mga patakaran ng relihiyon ngunit hindi makita ang kaugnayan ng mga ito sa paraan nila ng pamumuhay at pagnenegosyo.
Kaya nga importante ang paghubog sa edukasyon at pananampalataya, para hindi tayo malito, para hindi malihis ang atin mga prayoridad, para matutuhan natin ipailalim ang lahat ng ating pinagkakabalahan dito sa mundo mula sa abot-tanaw ng kaharian ng Diyos.
Ibang klase ng pagiging katiwala ang tawag dito ni San Pablo. Stewardship of the mysteries of God: Pagiging “katiwala ng mga katotohanan ukol sa Diyos na dapat mapanindigan.” 1 Cor. 4,1.
Sa chapter 12 ng kanyang unang sulat sa mga Corinto, matapos na ipaliwanag niya ang iba’t ibang mga kaloob ng Espiritu, ipinaaalala niya na dapat daw hangarin ang “mas nakahihigit na mga kaloob”. At sa dulo ng chapter 13, sasabihin niya kung alin ang mga ito: pananampalataya, pag-asa at pagibig. At sa tatlo, ayon sa kanya, ang pinakamahalaga ay pagibig. Ang lahat ay nawawalan ng halaga kapag ito ang nawala.
Kung iuuna natin ang dapat mauna sa mga kaloob ng Espiritu, para kay San Pablo, ang lahat ay mas madali nang pangasiwaan. Hindi ito magiging dahilan ng pagkakaligaw ng landas. Hindi mauuwi sa pagtatalo, pagkakanya-kanya o pagkakawatak, dahil iisang Espiritu ang pinanggagalingan ng lahat ng mga ito.