95,598 total views
Maliit man ang kabuhayan, ito naman ang pinanggagalingan ng yaman ng maraming pamilyang Pilipino. Ang small business, kapanalig, ay karaniwang source of livelihood na natin. Minsan ito na ang main source of income, minsan, side gig lamang ito para may pandagdag pang-gastos.
Ang kasabihan na ang maliit ay nakakapuwing ay totoo pagdating sa negosyo sa Pilipinas. Ito ay dahil sa mahigit isang milyong business establishments sa bayan, 99.59% ay mga micro, small, at medium enterprises. Sila na halos ang buong merkado ng bayan. Sila na rin ang pangunahing employer ng bansa. Dahil sa laki ng kanilang ambag, di ba’t marapat lamang na bigyan sila ng ibayong suporta?
Kapanalig, isa sa mga pinaka-kailangang suporta ng mga small businesses ngayon ang availability ng loans na maliit lamang ang interes. Maraming pautang sa ating bayan kapanalig. Sa ngayon nga, maraming negosyante sa bumbay o 5/6 kumakapit pag gipit. Madali man silang makakuha ng pera sa ganitong mga sources, nahihirapan naman sila magbayad. Ang laki kasi ng interes, kahit barya barya lamang ang babayaran mo kada araw.
Kapag sa mga pormal na ahensya naman sila pupunta para sa credit o financing, matagal na, mataas pa rin ang interes. Nakapagtataka nga bakit hindi mabilis ang loan para sa mga small businesses, gayon alam naman ng lahat na pinapaikot lamang ang pera sa ganitong negosyo, at sa mga araw na walang pampa-ikot, close shop ka, at walang kita. Kapag pupunta ka sa bangko o sa gobyerno, matagal ang proseso. Gagastos ka na sa pamasahe at loan fees, hindi mo pa rin mabubuksan ang negosyo dahil hindi agad mahahawakan ang inutang.
Maliban sa financing, isa ring magandang suporta para small businesses ay digitization. Malaking tulong ito para sa pag monitor ng stocks, pasweldo ng tao, at para din sa promotion upang lumaki pa ang merkado. Maganda rin ito dahil pag digitized sila, mas madali nilang mamomonitor ang pasok at labas ng kita.
Kailangan din na mabigyan natin ng mga training programs ang mga MSMEs para mas maayos pa nilang mapatakbo ang kanilang negosyo. Maaaring masimulan ito sa financial literacy training sessions upang masuportahan ng kaalaman ang kanilang mga business goals, at matuto silang mag impok at maghanda para sa krisis, pag-utang, at pati na rin retirement.
Isa pang mahalagang tulong sa mga maliliit na negosyo, kapanalig, ay pwesto. Ang dami nais magnegosyo pero hindi magawa dahil walang pwestong malapit sa kanilang merkado. Kung ang mga local governments ay maglalaan ng mga abot-kayang pwesto para sa mga small businesses gaya ng mga appliance repair, pagtitinda ng iba ibang items, makakatulong ka na sa negosyante, mapapalapit mo pa ang serbisyo sa mamamayan.
Ang mga MSME ng bayan ay ang working class – na siyang nagtataguyod ng ating bayan. Sabi nga sa Rerum Novarum, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan, sila ang nagpapayaman ng ating bayan. Makatarungan lamang na atin silang suportahan upang makinabang din sila sa yamang kanilang inaalay sa ating bayan.
Sumainyo ang Katotohanan.