8,782 total views
Muling pinaalalahanan ng EcoWaste Coalition ang mga kandidato ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na panatilihin ang kalinisan sa pangangampanya.
Ayon kay EcoWaste zero waste campaigner Ochie Tolentino, sa pamamagitan nito ay maipapakita ng mga kandidato na karapat-dapat silang ihalal sa posisyon sa pagtalima sa mga batas lalo na sa pangangalaga ng kalikasan.
Tinukoy ng grupo ang mga isasagawang miting de avance na inaasahan ang pagdagsa ng mga tao, gayundin ang malilikhang mga basura.
“As the final rallies or miting de avance are expected to draw a large crowd, including beverage and food vendors, organizers should ensure that littering, an offense prohibited by RA 9003 (Ecological Solid Waste Management Act), is controlled and prevented. Please keep your rallies tobacco-free and vape-free, too,” pahayag ni Tolentino.
Hinimok din ng EcoWaste ang mga kandidato na iwasan ang paggamit ng mga paputok at pagpapalipad ng mga lobo dahil maliban sa polusyon ay maaari rin itong magdulot ng power interruption.
Sa mismong araw naman ng eleksyon ay hinihikayat ang paglalagay ng segregated waste bins para sa maayos na pamamahala sa mga basura lalo’t inaasahan ang maraming bilang ng mga botante sa polling precincts.
Dagdag pa ni Tolentino na magandang hakbang din ang pagsasagawa ng post-campaign clean-up ng mga kandidato anuman ang maging resulta ng eleksyon para sa pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran, na sumasalamin sa kanilang pangakong pangangalaga sa kalikasan.
“Finally, please do away with wasteful ‘thank you’ tarpaulins. You can express your appreciation to the electorate and Mother Earth by performing your responsibilities as a public servant to the best of your ability, and by not engaging in corrupt and dirty politics,” ayon kay Tolentino.
Unang pinaalalahanan ng simbahan ang 67-milyong botante sa bansa sa matalinong paghalal sa mga susunod na lider alinsunod sa katangiang matapat, makatarungan at handang itaguyod ang kabutihan ng bawat mamamayan.