10,597 total views
Binatikos ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) ang administrasyon ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa pagiging anti-poor.
Binigyang diin ni Kejs Andres – Pangulo ng SCMP na obligasyon ng pamahalaan na paglaanan ng sapat na pondo ang mga programang nakatuon sa pagpapalago ng ekonomiya upang matiyak na mayroong sapat na pagkain ang taumbayan.
“Samantala, ang isang ekonomiyang para sa susunod na henerasyon ay ekonomiyang nagsasarili sa sariling paa at nakabatay sa pambansang industriya. Kailangang tiyakin ang nakabubuhay na sahod at trabaho para hindi na kailangang mangibang-bansa ng milyon-milyong Pilipino nang makasama pa rin nila ang kanilang pamilya,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Andres sa Radio Veritas.
Ikinadismaya rin ng SCMP ang pahayag ng National Economic Development Authority (NEDA) na hindi ‘Food Poor’ ang isang mamamayang kung kakayanin nitong gumastos ng hanggang 64-pesos kada araw para sa pagkain.
Ayon kay Andres malinaw na pagpapakita ito ng nabigong pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na ibaba sa hanggang bente pesos ang presyo kada kilo ng bigas upang makapagbigay ng kalidad at murang bigas para sa mga Pilipinong nagugutom.
Ikinadismaya rin ni Andres na sa halip na magbigay ng pag-asa at tunay na mga datos para sa mga Pilipino, ipinakita ng NEDA na hindi nila alam o naiintindihan ang kalagayan ng mga mamamayan na kanilang pinagsisilbihan higit na ang kalagayan ng mga pinakamahihirap na sektor ng lipunan.
Panawagan pa ni Andres ang pagkakaroon ng mas pinatibay na programa sa sektor ng agrikultura na papalakasin ang lokal na sektor upang maiwasan na ang pagiging import-dependent higit na ng bigas na produktong dapat sana ay ang Pilipinas ang pangunahing taga-suplay sa ibang bansa.
Ang mensahe ni Andres ay matapos ihayag ng NEDA sa kanilang mga naging pag-aaral na hindi maituturing na mahirap ang isang mamamayang kung gumagastos siya ng higit sa 64-pisong halaga ng pagkain kada araw.
Sa bahagi naman ng simbahan, itinalaga ito ng Kaniyang Kabanalang Francisco sa temang ‘Those who hope in the Lord will run and not be weary’ bilang paggunita sa 2024-2025 World Youth Day.