22,071 total views
Pinuna ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David – pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang maling pamamahayag ng isang media outlet kaugnay sa naganap na tension sa pagsasagawa sana ng transition sa pamunuan ng St. Joseph Parish sa Gagalangin Tondo, Maynila noong ika-4 ng Hunyo, 2024.
Sa personal na Facebook post ni Bishop David, partikular na pinuna ng Obispo ang naging anggulo sa pagbabalita ng nasabing himpilan na sinasabing pagkauwi sa pisikalan ng away ng isang obispo at pari.
Nilinaw din ni Bishop David ang maling pagkakakilanlan ng himpilan sa opisyal ng Simbahan na nakapanayam kaugnay sa naganap na insidente kung saan sa halip na kilalanin si Fr. Reginald Malicdem na siyang Vicar General and Moderator Curiae ng Archdiocese of Manila ay pinangalanan ng himpilan ang nakapanayam na si Fr. Jerome Secillano na siyang executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Public Afairs.
“The famous top rating TV network reported it as “Away ng obispo at pari nauwi sa pisikalan.” They also posted a summary news report explaining that the CBCP said the incident was a “misunderstanding between the two clergymen.” The reporter who was interviewing the supposed CBCP official introduced him as “Fr. Jerome Secillano of the Catholic Bishops’ Conference of the Philippines”. He was actually interviewing the Vicar General of the Archdiocese of Manila, Fr. Regie Malicdem. Good example of bad journalism.” Mensahe ni Bishop David sa kanyang Facebook page.
Matatandaang ika-4 ng Hunyo, 2024 ng magtungo sa St. Joseph Parish sa Gagalangin Tondo ang mga kinatawan ng audit team ng Archdiocese of Manila kabilang na si Fr. Gilbert Cabigting para sa isasagawang transition kasama si Novaliches Bishop-Emeritus Antonio Tobias na inatasan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na pamunuan ang Commission on Clergy Concern, upang pangasiwaan naman ang implementasyon sa kautusan ng Cardinal na pag-alis bilang parish administrator kay Fr. Alfonso Valeza na piniling manatili sa parokya sa kabila ng atas ng Cardinal.
Dahil sa paulit-ulit na bigong pagsunod ni Fr. Valeza sa mga atas ng arkdiyisosesis ay pinatawan ito ng suspensyon sa anumang tungkulin at gawain bilang pari, habang pansamantala namang pangangasiwaan ng arsobispo ng Archdiocese of Manila na si Cardinal Advincula ang St. Joseph Parish sa Gagalangin, Tondo, Manila sa pamamagitan ng kanyag itinalagang administration team sa parokya.
Kabilang sa mga itinalaga ng Cardinal upang pangasiwaan ang parokya mula June 3, 2024 makaraang alisin bilang parish administrator si Fr. Valeza ay sina Manila Vicar General at Moderator Curiae Fr. Reginald Malicdem bilang Team Ministry Moderator habang magsisilbi naman bilang Team Ministry Member sina Fr. Nolan Que at Fr. Gilbert Cabigting.