353 total views
Mga Kapanalig, ibinasura ng Commission on Elections (o Comelec) ang apela ng grupong National Coalition for Life and Democracy na ilipat sa 2025 ang halalan sa harap ng nagpapatuloy na banta ng Covid-19. Ayon sa grupo, malinaw daw sa ating Konstitusyon na dapat mangibabaw ang karapatang mabuhay, at ito ang pinakamataas at pinakasagrado sa lahat ng ating mga karapatan.
Maaaring ilipat ang petsa ng eleksyon kung aaprubahan ito ng mayorya ng mga miyembro ng Comelec en banc batay lamang sa mga sumusunod na dahilan: karahasan o violence, terorismo, pagkawala o pagkasira ng election paraphernalia, force majeure o pangyayaring labas sa ating kontrol, at iba pang katulad na dahilang gagawing imposible ang pagsasagawa ng malinis na halalan. Alinsunod naman sa Omnibus Election Code, kung ililipat man ang araw ng eleksyon, hindi ito dapat masyadong malayo sa itinakdang araw. Hindi ito dapat lumampas ng tatlumpung araw mula nang matapos ang sinasabing dahilan ng pagpapaliban.
Naglabas na ang Comelec ng mga gabay sa pagsasagawa ng eleksyon, at binibigyang-diin sa mga ito ang pagpapatupad ng health and safety protocols upang maiwasan ang pagkalat ng Covid-19 sa araw ng halalan. Sa inihaing budget para sa Comelec, makikitang itinaas ito upang mapondohan ang mga kakailanganin para maisagawa ang ligtas na halalan. Kasama sa mga gagastusan ang pamamahagi ng medical and health supply requirements sa bawat presinto at paglalagay ng health protocol desks na magsasagawa ng screening ng mga botante bago pumasok sa presinto.
Ngunit sapat na nga kaya ang mga gabay na ito? Gaano kahanda ang pamahalaan, lalo na ang Comelec, sa pagsasagawa ng ligtas na halalan sa gitna ng pandemya? Alam nating magtutulungan ang iba’t ibang ahensya at kailangan ang kooperasyon ng lahat upang matupad natin ang ating sagradong tungkuling pumili ng mga lider ng ating bayan. Ngunit hindi natin dapat isantabi ang anumang pangyayaring lalong maglalagay sa mga botante sa kapahamakan.
Halimbawa, hindi raw dapat lumampas sa sampung botante ang nasa loob ng isang presinto at hindi sila dapat magtagal ng 16 na minuto sa pagboto. Paano kaya ito maisasagawa sa mga lugar na may napakalaking voting population? Maglalagay ba ng mga pulis at sundalo sa mga paaralan para mapasunod ang mga tao? Sapat ba ang bentilasyon ng mga silid-aralan at may sapat bang espasyo para sa mga maghihintay ng kanilang pagkakataong bumoto?
Idagdag pa natin ang ilang tanong na inilatag sa Comelec ng dekano ng Ateneo School of Government na si Dr Ronald Mendoza: Ano ang contigency plan ng komisyon sakaling magkaroon ng surge sa araw ng halalan? Magkakaroon pa ba ng eleksyon sa mga lugar na naka-lockdown? Titiyakin din ba ng Comelec na bakunado ang mga botante sa mga lugar kung saan mabagal ang pamamahagi ng bakuna? Maaari ba kaya ang pagpapadala ng ating balota sa pamamagitan ng koreo? Mahalagang malinawan tayo sa mga bagay na ito habang papalapit ang araw ng halalan.
Mga Kapanalig, sabi nga ni Pope Pius XII, tayo ay tinatawag na laging lumahok sa buhay ng ating bayan, at kaakibat nito ang pagtupad sa ating tungkuling bumoto sa halalan. Ang pagboto ay maituturing nating isang pagkakataong gumawa ng mabuti sa lahat, wika nga sa Galacia 6:10. Ngunit malaking hamon ang kinakaharap natin dahil sa nagpapatuloy na pandemya at sa pagtugon dito ng pamahalaang maaari pa sanang mas pagbutihin. Marapat lamang na tanungin natin ang kinauukulan kung paano nila titiyaking malaya nating magagawa ang obligasyon nating ito nang walang anumang banta sa ating kalusugan at kaligtasan. Dapat nating matiyak na magkakaroon tayo ng halalan dahil ito ang unang hakbang kung gusto natin ng pagbabago sa ating bayang naghahanap ng katiyakan sa gitna ng pandemya.