188 total views
Hinimok ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani ang mamamayan na panatilihin ang kalinisan sa kapaligiran upang hindi na dumami ang lamok na nagdadala ng Zika Virus.
Ayon sa Obispo, malaking salik ang kapaligiran sa pagkakaroon ng kumakalat na mga sakit.
Kaya naman iginiit ni Bp. Bacani na upang mapangalagaan ng tao ang kanyang kalusugan ay kinakailangang una nitong pangalagaan ang kalikasan.
“Siyempre ang ating kapaligiran sisikapin natin na maging malinis, dahil yan ang pagpupugaran ng lamok, kapag marumi ang ating kapaligiran o kaya may mga tubig na stagnant e yun ang pamamahayan ng mga lamok,” pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ni Bp. Bacani, kinakailangan rin maging mapagmatyag ang mga magulang sa pagbabantay sa kanilang mga anak.
Gayundin naman, ang mga buntis o nagdadalang tao ay mahalagang pangalagaan ng mabuti ang kanilang sarili upang makaiwas sa lamok na nagdadala ng Zika Virus.
“Sikapin natin na yung mga anak, at mga nanay lalo na, na sana ay ingatan ang sarili na hindi madapuan at makagat ng lamok. Vigilance ang kinakailangan dyan at syempre napakaimportante yung dasal na huwag tayong matamaan ng virus,” panawagan ni Bishop Bacani.
Sa huling ulat ng Department of Health umabot na sa 39 ang kaso ng Zika Virus sa Pilipinas.
Kaugnay dito, magsasagawa ng Zika Virus Conference ang Simbahang Katolika upang mabigyang edukasyon ang bawat Diyosesis kung paano maiiwasan ang pagkalat ng epidemya.
Sa ika-9 ng Disyembre gaganapin ang Zika Virus Conference sa Environmental Studies Institute ng Miriam College simula alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali sa pagtutulungan ng Radyo Veritas, CBCP Episcopal Commission on Healthcare, Archdiocese of Manila Healthcare Ministry, Department of Health, Miriam College, Camillian Task Force Philippines and Salute e Sviluppo Philippines Inc.