167 total views
Tiniyak ni Environment Secretary Gina Lopez na mahigpit na naipatupad ng Department of Environment and Natural Resources ang patas at malinis na mining audit na nakabatay sa katarungang panlipunan.
Ito ay sa kabila ng mga akusasyong naging bias o may kinikilingan ang isinagawang mining audit ng ahensya.
“We assure the industry and the general public that due process was meticulously observed in the mining audit conducted by the agency and that the results would be always anchored on integrity, social justice, and the common good.” pahayag ni Lopez sa Radio Veritas.
Ikinatwiran ng kalihim na mayroong kinatawan ang iba’t-ibang sector at pamahalaan na nakibahagi sa pagsusuri ng mga minahan.
Bukod dito, nagsagawa din ang DENR ng Cross Audit, kung saan nagmula sa ibang rehiyon ng bansa ang nag-audit sa mining company at binigyan din ng pagkakataon ang kumpanya na sagutin ang inihaing kaso ng paglabag sa mining law.
Muling pinag-aralan ng DENR ang lahat ng resulta sa loob ng limang buwan bago inilabas ang huling desisyon.
Sa kasalukuyan 23 minahan ang nakatakdang ipasara ng DENR at tiniyak ng ahensya na ibabalik nito ang mga nasira sa kapaligiran para na rin sa ikabubuti ng mas nakararami.
“My issue here is not about mining. My issue here is social justice. If there are businesses and foreigners that go and utilize the resources of that area for their benefit and the people of that island suffer, that’s social injustice.” dagdag pa ni Lopez.
Samantala, pinuri ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang Department of Environment and Natural resources dahil sa kautusang ipasara ang 23 minahan sa Pilipinas.
Ayon kay National National Secretariat for Social Action at Caritas Philippines Executive Secretary Fr. Edwin Gariguez, patunay ito na hindi naman lahat ng ginagawa ng administrasyong Duterte ay masama.
Dagdag pa ng Pari sa nagawa ni Secretary Lopez, ay nararapat lamang na kumpirmahin ng Commission on Appointments ang pagkakatalaga ng kalihim sa kanyang posisyon.
Magugunitang Agosto noong nakaraang taon, sinimulan ng DENR ang mining audit sa 41 metallic mines sa Pilipinas at nito lamang nakaraang linggo ay inilabas ng ahensya ang resulta, kung saan 23 kumpanya ang ipasasara nito dahil sa labis na pagkasira ng kalikasan.
Read: http://www.veritas846.ph/21-minahan-ipapasara-ng-denr/
http://www.veritas846.ph/pagpapasara-sa-mga-mapinsalang-minahan-pinuri/
Sa Ensiklikal na Laudato Si, kinondena ni Pope Francis ang hindi makatarungang operasyon ng pagmimina ng mga multinasyonal na kumpanyang mula sa mga maunlad na bansa o First World Countries sa mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas.