19,569 total views
Sa panahon ngayon kung kailan matingkad na isyu ang food security o katiyakan sa pagkain, maaaring maging mas malala ang problema ng malnutrisyon at kalusugan sa ating bayan, lalo na sa mga bata.
Matagal na isyu na ang malnutrisyon sa Pilipinas, bunga na rin ng kahirapan ng maraming mga pamilyang Pilipino. Marami sa atin ang hindi nakakakain ng sapat at masustansyang pagkain. Maraming mga sanggol at kabataan ang hindi nakakain ng wasto. Ayon nga sa datos ng Social Weather Station, mga 2.7 milyong pamilyang Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger nitong second quarter ng 2023 dahil sa kawalan ng pagkain.
Ang gutom ay malaki ang epekto sa kalusugan. Ayon sa Department of Health (DOH), persistent na ang malnutrition sa bayan, kaya nga halos di nagbabago ang ating stunting rate: nasa 27.6% o isa sa bawat apat na batang may edad lima pababa ay maliit para sa kanilang edad.
Kapanalig, ang problema ng malnutrisyon ay hindi lamang simpleng problema ng gutom. Malaki ang implikasyon nito sa kinabukasan ng mga bata pati ng ating bayan. Unang una, kapanalig, ang batang stunted at malnourished ay batang sakitin. Sa isang bayan gaya ng Pilipinas kung saan ang health care ay napakamahal, ang pagiging masakitin ay magtutulak pa lalo sa kahirapan sa maraming pamilyang Pilipino. Mahal ang konsultasyon, mahal ang lab tests, mahal ang gamot.
Sa mga remote areas pa ng ating bayan, hindi pa accessible ang health care. Maraming mga nayon, maraming mga indigenous areas, ang walang access sa mga health facilities. May mga pagkakataon na halos wala silang nakakaharap na health care professionals. At kung emergency, minsan mas lalong lumalala ang sakit dahil kailangan pang maglakbay ng ilang oras para lamang makakuha ng paunang lunas.
Ang chronic hunger at malnourishment, kapanalig, ay malaki rin ang epekto sa abilidad ng mga bata. Maraming pag-aaral ang nagsasabi na maraming malnourished children ay may poor motor skills, hirap magsalita at makipag-communicate, at mas hirap umunawa at makisama. Kung malaking porsyento ng ating kabataan ang maapektuhan ng ganito dahil sa malnourishment, paano na ang kinabukasan nila?
Ang malnutrisyon at kalusugan sa Pilipinas ay isang isyung kailangan ng agarang aksyon. Ilang taon na ang problemang ito, pero hanggang ngayon, wala pa ring solusyon. Ang pagkakaroon ng wastong nutrisyon ay hindi lamang isyung pantahanan, ito ay national issue. Ang malnutrisyon ay labag sa karapatan ng tao sa kalusugan. Sabi nga ni Pope Francis sa UN Food Systems Pre-Summit 2021: We produce enough food for all people, but many go without their daily bread … an offense that violates basic human rights… It is everyone’s duty to eliminate this injustice.”
Sumainyo ang Katotohanan.