2,499 total views
Binigyang pagkilala ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas ang Malolos, Bulacan partikular ang Immaculate Conception Parish Cathedral & Minor Basilica o mas kilala bilang Malolos Cathedral sa mahalagang ambag nito sa kasaysayan ng bansa.
Pinangunahan ni Malolos Bishop Dennis Villarojo ang unveiling ng national historical marker na matatagpuan sa Malolos Cathedral na dating nagsilbing Palacio Presidencial ng Pangulo ng Pamahalaang Rebolusyonaryo ng Pilipinas na si Emilio Aguinaldo.
Sa naganap na paghahawi ng tabing ng panandang pangkasaysayan ay tinukoy ni National Historical Commission of the Philippines OIC-Executive Director Carminda Arevalo ang mahalagang papel na ginagampanan ng Malolos, Bulacan bilang puso ng unang demokrasya at republika sa buong Asya.
Ipinaliwanag ni Arevalo na ang pagkilala ng NHCP sa ambag ng Malolos, Bulacan at ng Malolos Cathedral sa mayamang kasaysayan ng bansa ay bahagi ng isinasagawang pagkikila ng komisyon sa halos 100 mga lugar sa buong bansa na mayroong mahalagang ambag sa tinatamasang kalayaan ng Pilipinas bilang tugon sa idineklara ng pamahalaan na 125th anniversary of Philippine Independence and Nationhood 2023 to 2026.
“Ang panandang pangkasaysayan na ating hinawi ay dagdag sa karangalan ng Malolos bilang puso ng unang demokrasya at republika sa buong Asya, bahagi ito ng nagpapatuloy nating pagtuntun sa landas ng pagkabansang Pilipino mula sa Kawit hanggang Palanan mula taong 2023 hanggang 2026, ang panahong ito ay ideklara ng pamahalaan bilang 125th anniversary of Philippine Independence and Nationhood 2023 to 2026.” Ang bahagi ng mensahe ni Arevalo.
Inihayag ni Arevalo na ang pagkilala sa mahalagang papel na ginampalanan ng lalawigan ng Bulacan sa kasaysayan ng bansa ay isa ring hamon para sa mga Bulakeño upang ganap na maging tagapagmana ng dakilang kasaysayan.
“Isang hamon sa mga Bulakeño ang napakabigat na kasaysayang kakambal ng inyong pagkatao, mabigat sapagkat pasan-pasan niyo ang responsibilidad na manatiling tagapagmana ng dakilang kasaysayan ng inyong lalawigan. Nawa’y manatiling nangungunang kampiyon ng kalayaan, demokrasya at pagkabalsa ang lalawigan ng Bulacan.” Dagdag pa ni Arevalo.
Nakalimbag sa panandang pangkasaysayan na matatagpuan sa Malolos Cathedral ang mga katagang “Malolos: Landas ng Pagkabansang Pilipino 1898-1899” na kumikilala sa mahalagang papel na ginagampanan ng Malolos, Bulacan bilang saksi sa pagkabansa ng Pilipinas na kauna-unahang republika sa buong Asya.