428 total views
Nagpahayag ng suporta ang Malolos Diocesan Council of the Laity para sa kandidatura nina Vice President Leni Robredo at Senator Francis “Kiko” Pangilinan.
Sa opisyal na pahayag ng Sangguniang Laiko ng Diyosesis ng Malolos ay binigyang diin ng grupo ang kahalagahan ng pagpili ng lider ng bansa na may tunay na pagnanais na maglingkod sa bayan at tugunan iba’t ibang mga suliraning panlipunan.
Ipinaliwanag ng Malolos Diocesan Council of the Laity na pinangungunahan ng pangulo nito na si Sis. Josephine Urrutia ang naturang desisyon ay bunga ng mga isinagawang serye ng pagpupulong, masusing talakayan, pananalangin at pagninilay ng mga lingkod-laiko ng diyosesis para sa nakatakdang halalan.
Ayon sa Sangguniang Laiko ng Diyosesis ng Malolos, matapos ang mga serye ng circle of discernment ay naniniwala ang mga lingkod-laiko ng diyosesis na taglay nina Robredo at Pangilinan ang tunay na diwa at buhay ng isang Mabuting Pastol.
Sinasabi nina Propeta Ezekiel at Ebanghelistang si Juan na kahandaang mag-alay ng kanilang buhay para sa kapakanan ng kanilang kawan.