207 total views
Isa sa malalaking problema hindi lamang ng ating bansa, kundi ng buong mundo, ay ang kalusugan ng dagat. Sa pagdaan ng panahon, ang mga karagatan sa ating bansa ay unti unti na ring nagiging dumpsite. Kamakailan lamang, nabulaga tayo ng balita na may supot supot na medical wastes na tinapon sa tabi ng dagat sa Catanduanes. Isa lamang ito sa mga halimbawa ng mga basurang natatagpuan sa ating mga karagatan. Tinataya na sa buong mundo, humigit kumulang na 14 milyong tonelada ng plastic na basura ang napupunta sa karagatan kada taon.
Kung hindi natin mababago ang dami ng basura na ating tinatapon sa karagatan, tinatayang ti-triple pa ito pagdating ng 2040, at dodoble pagdating ng 2030. Ang mga basurang plastic, kapanalig, ay halos indestructible. Daang-taon ang aabutin bago sila mag-decompose. Ang mga plastic bottles, halimbawa, ay aabot ng 450 taon bago mabulok.
Dagdag pa tayo ng dagdag, kapanalig, ng mga basura sa karagatan. Marahil sasabihin natin, hindi naman tayo nagtatapon doon. Pero, malaki ang probabilidad na bawat plastic na tinapon natin kung saan-saan lang ay sa dagat din hahantong. Ni hindi na nga mataya ng mga siyentipiko kung gaano karami na ang basura sa karagatan. May mga estimates na umaabot na ito ng 150 million metric tons.
Dapat nang matigil, kapanalig, ang pagdami ng basura sa karagatan. Nilalason na nito ang buhay sa ilalim ng dagat, buhay na nagbibigay buhay din sa sangkatauhan. May mga eksperto na nagsasabi na kapag nagpatuloy ang pagdami ng basura sa karagatan. Pagdating ng 2050, mas marami pang basura kaysa isda.
Kapanalig, kailangan ng ating bansa ngayon ang mas maayos na management ng plastic pollution. Ang ating bansa ang isa sa buong mundo na mahilig sa mga single use plastics – mga tingi tinging produkto. Ang rason ng iba, ito lamang kasi ang kaya ng maralita. Kaya lamang, pagdating naman ng panahon, ang pangunahing maapektuhan ng mga sakunang dulot ng plastic pollution ay mga maralita din.
Dito hinahamon ang ating obligasyon para sa “stewardship of creation” o pangangasiwa ng lahat ng nilikha ng Panginoon. Taon-taon palpak tayo dito kapanalig, at habang hindi tayo nag-i-improve, nalulunod ang karagatan natin sa basura. Ayon sa Populorum Progressio: The Bible, from the first page on, teaches us that the whole of creation is for humanity, that it is men and women’s responsibility to develop it by intelligent effort and by means of their labor to perfect it, so to speak, for their use.
Nasa kamay natin, kapanalig, ang kinabukasan ng karagatan. Nasa kamay natin ang kinabukasan ng ating bayan, na malaking porsyento ay nakasalalay sa yaman ng karagatan. Kung hindi natin aaksyunan ang basurang ating tinapon sa dagat, buhay din ang sisingilin ng mga buhay na ating nilason sa karagatan.
Sumainyo ang Katotohanan.