235 total views
Kapanalig, pangarap na lamang ba ang isang malusog na mundo para sa darating na henerasyon?
Hindi natin dapat isawalang bahala o ipagkibit balikat ang banta ng climate change. Dama na natin ang epekto nito. Ang Southeast Asia, kung saan kabilang ang Pilipinas, ay isa sa mga pinaka-bulnerable sa climate change. Ayon sa mga eksperto, tataas pa ang ating sea levels, mas dadalas ang mga matinding tagtuyot, at mas lalakas at dadalas pa ang matinding pag-ulan. Ayon nga sa isang pag-aaral, 19 sa 25 na syudad na mas bulnerable sa isang metrong pagtaas ng sea-level ay nasa Asya. At sa 25 na ito, pito ay nasa Pilipinas.
Kapanalig, kapag hindi tayo nanawagan para sa mas malusog na mundo, tayo ang unang magiging kaawa-awa.
Habang patuloy nating pinararami ang ang emisyon na lumalason at nagpapa-init ng ating kalawakan, atin ding tinataya ang ating kalusugan. Ang mga greenhouse gases o GHG sa ating paligid, ang pag-init ng mundo, at ang mga epekto nito ay nagdudulot ng cardiovascular diseases at nagiging dahilan din ng epidemya. Alam naman natin na maraming mga organismong nagdadala ng sakit ay naiimpluwensiyahan ng mga salik sa ating paligid gaya ng lamig o init, pati na rin ng ulan at daloy at kalinisan ng tubig. Kaya’t kung hindi malusog ang mundo, hindi rin malusog ang tao.
Kapanalig, ang ating mundo ay bulag sa koneksyon ng ating pang-araw araw na buhay, ng ating kalusugan, sa climate change. Marami rin sa atin, hanggang ngayon, ay nagbubulag-bulagan na ang climate change ay bunsod din sa gawain ng mga tao.
Sa ating panahon ngayon, global na ang marketing, global na ang manufacturing, at global na ang food supply chain. Mas maliwanag ang koneksyon ng ating nga gawain, at mas maliwanag na ang gawain nating mga ito ay global na rin ang epekto. Panahon na upang ating siwalatin at pigilin ang mga gawain nating nagbibigay sakit sa ating mundo, gaya ng mga gawaing nagpapalala ng climate change.
Ang Laudato Si, bahagi ng ating Catholic Social Teachings ay inuudyukan tayong pangalagaan ang ating mundo. Inuudyukan tayo nitong itanong sa ating sarili kung anong uri ba ng mundo ang nais nating iwan sa susunod na henerasyon. Ayon dito, kailangan nating makita na ang nakataya sa ating pagpapabaya sa mundo ay ating dignidad at ang kahulugan ng ating buhay sa mundo.
Sumainyo ang Katotohanan.