234 total views
Naniniwala ang dating pangulo ng Doctors for Life Philippines na hindi kailangan ng tao na magpabakuna laban sa coronavirus disease.
Ito ang pahayag ni Dra. Dolores Octaviano kaugnay sa isinasagawang vaccination program ng pamahalaan upang malutas na ang pandemyang COVID-19.
“This disease [COVID-19] is a mild viral disease. Kung i-compare mo pa nga siya sa influenza, mas mild pa yung COVID,” pahayag ni Octaviano sa panayam ng Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng doktor na hindi kailangan ng tao ang bakuna dahil mayroong natural na panangga ang katawan ng tao laban sa epekto ng virus.
“Ang katawan ng tao, may natural immunity yan… Kaya nga ang tao ay may skin. The skin is the widest of all immune protection against foreign invaders. As long as the skin is intact, hindi makakapasok ‘yung bacteria sa ating katawan,” ayon kay Octaviano.
Samantala, nagbabala naman si Dra. Octaviano na ang isa pang COVID-19 vaccine na likha ng kumpanyang Johnson & Johnson ay nilikha gamit ang cell lines mula sa ipinalaglag na sanggol na nagpapakita ng paglabag sa moral na katuruan ng simbahan maging sa buhay ng tao.
Sa inilabas na pahayag ng United States Conference of Catholic Bishops, tinularan nito ang pahayag ng Vatican na nagsasabing “morally acceptable” na makatanggap ng COVID-19 vaccine na nilikha gamit ang cell lines mula sa mga ipinalaglag na sanggol kapag wala nang ibang mapiling bakuna.
Ngunit binigyang-diin ng U-S-C-C-B na hangga’t maaari ay dapat pumili ang mga Katoliko ng bakuna na malayo o walang halong sangkap mula sa mga ipinalaglag na sanggol.
Sa Pilipinas, hindi pa naman ito pinagpipilian upang maging bakuna para sa mga Filipino.
Kasalukuyan namang isinasagawa ng pamahalaan ang vaccination program para sa mga nasa priority list tulad ng mga healthcare worker para sa kaligtasan sa panganib na dala ng virus.
Nagsimula ang pagbabakuna noong Marso 1 makaraang dumating ang 600,000 Sinovac vaccines na donasyon ng China sa Pilipinas, habang dumating na rin sa bansa ang unang batch ng nasa higit 500,000 doses ng AstraZeneca vaccines.
Batay sa Food and Drug Administration, ang Sinovac vaccine na CoronaVac ay nasa 50-percent lamang ang efficacy rate kumpara sa AstraZeneca vaccine na nasa 60-percent ang epekto.