428 total views
Binabalaan ng Diocese of Kalookan ang mamamayan laban sa mga nagpapanggap na lingkod ng Simbahan na ginagamit ang pangalan ng diyosesis at ng Simbahang Katolika upang makapanglinlang.
Sa pamamagitan ng isang Facebook post ay ibinahagi ng diyosesis ang larawan ng isang lalaki na nagpapakilalang John Michael Castillo na isang seminarista at umiikot sa diyosesis upang humingi ng donasyon o tulong pinansyal para sa kanyang nalalapit na ordinasyon.
Nilinaw ng Diyosesis ng Kalookan na hindi seminarista at hindi kandidato sa ordinasyon ng pagpapari sa diyosesis ang lalake at wala rin itong kaugnayan sa sinumang pari at Obispo.
“Ang lalaki na nasa larawan ay kasalukuyang umiikot sa komunidad ng ating Diyosesis at nagpapakilalang si John Michael Castillo. Siya ay nagpapakilala bilang isang seminarista at humihingi ng donasyon o tulong pinansyal para sa kanyang nalalapit na ordinasyon. Nais po naming ipagbigay alam sa publiko na ang lalaki na ito ay hindi seminarista ng ating Diyosesis at hindi kandidato sa ordinasyon ng pagpapari. Siya ay hindi konektado sa Obispo o sino mang kaparian ng ating Diyosesis,” ang bahagi ng babala ng Diyosesis ng Kalookan.
Pinayuhan ng Diyosesis ng Kalookan ang mga mananampalataya na maging alerto sa mga hindi kanaisnais at kaduda-dudang indibidwal at hingan ito ng katibayan ng pagkakakilanlan o kaya tumawag sa Chancery Office sa numerong 8461-5051.
Kaugnay nito patuloy na pinapaalalahanan ng Simbahang Katolika ang mananampalataya na mag-ingat laban sa mga mapagsamantalang indibidwal o grupo na ginagamit ang pangalan ng Simbahan, kongregasyon, cardinal, obispo, pari, madre at iba pang lingkod ng Simbahan upang makapanglinlang at makapangalap ng donasyon.