499 total views
Nagbabala ang Diocese of Mati kaugnay sa mga nagpapanggap na lingkod ng Simbahan na ginagamit ang pangalan ng diyosesis at ng Simbahang Katolika upang linlangin ang mga mananampalataya.
Sa pamamagitan ng isang Facebook post ay ibinahagi ng diyosesis ang larawan ng isang babaeng nakasuot ng Catholic nun habit na umiikot sa lungsod upang humingi ng donasyon para sa isang misyon ng Simbahang Katolika.
Kalakip din ng naturang babala ang larawan ng isang sobre na ipinamamahagi ng nasabing babae kung nasaan mababasa ang Mararca International Catholic Church at Maharlikan Apostolate Missionary (Congregation).
Paglilinaw ng Diyosesis ng Mati, walang kaugnayan sa diyosesis at sa Simbahang Katolika ang nasabing babae at ang kongregasyon na makikita sa kanyang ipinapamahaging sobre para sa donasyon.
“WARNING | These photos are sent to us about an individual wearing a Catholic nun habit and is roaming around in the City of Mati asking for donation for the supposed mission using the name of the Catholic Church. Please be informed that this individual is not connected to the Diocese of Mati and to the Catholic Church,” ang babala ng Diyosesis ng Mati.
Kaugnay nito patuloy na pinapaalalahanan ng Simbahang Katolika ang mananampalataya na mag-ingat laban sa mga mapagsamantalang indibidwal o grupo na ginagamit ang pangalan ng Simbahan, kongregasyon, cardinal, obispo, pari, madre at iba pang lingkod ng Simbahan upang makapanglinlang at makapangalap ng donasyon.
Paalala ng Simbahang Katolika sakali mang makatanggap ng mga kaduda-dudang solicitation letter lalo na sa pamamagitan ng online ay marapat na agad makipag-ugnayan sa tanggapan ng parokya o ng diyosesis upang matiyak ang pagiging lehitimo ng natanggap na sulat para sa donasyon.